1 "Lumapit kayo,
kayong lahat na nauuhaw,
lumapit kayo sa tubig!
Kahit wala kayong pera,
lumapit kayo at kumain!
Halikayo, kumuha kayo ng inumin
at gatas ng walang bayad!
2 Bakit ninyo ginugugol
ang inyong mga salapi
sa mga bagay na hindi makakain?
Bakit nʼyo inuubos ang inyong suweldo
sa mga bagay
na hindi makakapagpabusog sa inyo?
Makinig kayo sa akin
at makakakain kayo
ng mga masasarap na pagkain,
at talagang mabubusog kayo.
3 Lumapit kayo sa akin at kayoʼy makinig
upang inyong matagpuan ang buhay.
Gagawa ako ng walang hanggang
kasunduan sa inyo.
Ipapadama ko sa inyo
ang pag-ibig koʼt awa
na aking ipinangako kay David.
4 Gagamitin ko siya upang ipakita
ang aking kapangyarihan
sa mga bansa.
Gagawin ko siyang pinuno nila.
5 Tatawagin ninyo
ang mga bansang hindi ninyo kasama,
at magmamadali silang lalapit sa inyo,
dahil ako, ang Panginoon na inyong Diyos,
ang Banal na Diyos ng Israel,
ang nagbigay sa inyo ng karangalan."
6 Lumapit na kayo sa Panginoon
at tumawag sa kanya
habang naririyan pa siya
para tulungan kayo.
7 Talikuran na ng mga taong masama
ang masasama nilang ugali
at baguhin na ang masasama nilang pag-iisip.
Magbalik-loob na sila
sa Panginoon na ating Diyos,
dahil kaaawaan at patatawarin niya sila.
8 Sinabi ng Panginoon,
"Ang aking kaisipan ay hindi katulad
ng inyong kaisipan,
at aking kapamaraanan ay hindi katulad
ng inyong kapamaraanan,
pahayag ng Panginoon."
9 "Kung gaano kalayo ang langit sa lupa,
ganoon din kalayo ang aking pamamaraan
at pag-iisip kaysa sa inyo.
10 Kung paanong ang ulan at nyebe
ay nagmumula sa itaas,
at hindi bumabalik doon
hanggaʼt hindi muna nakapagbibigay
ng tubig sa lupa
at nakapagpapalago ng mga halaman
upang makapagbigay ng binhi
at pagkain sa nagtatanim
at sa mga tao.
11 Ganyan din ang aking mga salita,
hindi ito mawawalan ng kabuluhan.
Isasakatuparan nito ang aking ninanais,
at isasagawa ang aking layunin
kung bakit ko ito ipinadala.
12 Kayo ay hahayo nang masaya
mula sa Babilonia
at mapayapang papatnubayan ng Diyos.
Ang mga bundok at mga burol
ay parang mga taong aawit sa tuwa.
At ang lahat ng mga puno
ay parang mga taong magpapalakpakan.
13 Tutubo na ang mga puno
ng sipres at mirto
sa dating tinutubuan
ng matitinik na halaman.
Ang mga pangyayaring itoʼy magbibigay
ng karangalan sa Panginoon.
Magiging tanda ito
ng kanyang kapangyarihan magpakailanman."