1 Nakayuko si Bel,
nakahiga naman si Nebo;
ang mga diyos-diyosang ito
ay ipinabuhat sa mga asno.
Mabibigat ang mga imaheng ito;
pasanin ng mga hayop na pagod.
2 Nakahiga nga sila,
at hindi nila kayang iligtas
ang kumakarga sa kanila,
kaya pati sila ay nabihag.
3 Makinig kayo sa akin, mga lahi ni Jacob,
kayong mga natitirang
mga mamamayan ng Israel.
Inalagaan ko kayo
mula nang kayoʼy ipinanganak
4 Aalagaan ko kayo hanggang
sa kayoʼy tumanda
at pumuti ang inyong buhok.
Ako, ako ang siyang
tutulong sa inyo.
Nilikha ko kayo
kaya kayoʼy aalagaan ko.
Tutulungan ko kayo
at ililigtas.
5 Kanino ninyo ako maihahalintulad?
Mayroon bang katulad ko?
6 Ang ibang mga tao
ay naglalabas ng ginto sa sisidlan
at nagtitimbang ng pilak
at inuupahan nila ang platero
para gumawa ng diyos-diyosan
at pagkatapos ay kanilang
luluhuran at sasambahin.
7 Pinapasan nila ito sa kanilang balikat
at inilalagay sa kanyang lalagyan
at nananatili ito roon
dahil hindi naman ito makakakilos.
Kung may mananalangin sa kanya,
hindi siya makakasagot
at hindi makakatulong
sa panahon ng kaguluhan.
8 Kayong mga rebelde,
tandaan ninyo ito,
at itanim sa inyong mga isip.
9 Alalahanin ninyo
ang aking mga ginawa
noong unang panahon.
Ako lang ang Diyos,
at wala nang iba pang katulad ko.
10 Sa simula pa lang, sinabi ko na
ang mga mangyayari sa hinaharap.
Ang aking mga inihayag
ay magaganap,
at gagawin ko ang lahat
ng gusto kong gawin.
11 Mula sa silangan,
tatawag ako ng isang tao,
at darating siyang tulad ng ibong mandaragit
mula sa malayong lugar.
Ang mga sinabi koʼy aking tutuparin.
Ang mga balak koʼy aking gagawin.
12 Makinig kayo sa akin
kayong matitigas ang ulo.
Hindi ninyo mararanasan
ang tagumpay at katuwiran.
13 Hindi na magtatagal, ibibigay ko na
ang tagumpay at katuwiran
sa Jerusalem.
Malapit ko na itong iligtas;
pararangalan ko ang Israel.