Publicidade

Isaías 6

Ang Pagkatawag kay Isaias

1 Noong taon ng pagkamatay ni Haring Uzias, nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa napakataas na trono. Ang mahabang damit niya ay nakatakip sa buong Templo. 2 May mga makalangit na nilalang sa gawing ulo niya. Ang bawat isa sa kanila ay may anim na pakpak: Ang dalawang pakpak ay nakatakip sa kanilang mukha, ang dalawa ay nakatakip sa kanilang paa, at ang dalawa ay ginagamit nila sa paglipad. 3 Sinasabi nila sa isaʼt isa:

"Banal, Banal, Banal,

ang Panginoon ng mga Hukbo!

Ang kapangyarihan niyaʼy

sumasakop sa buong mundo."

4 Sa lakas ng tinig nila, nayanig ang mga pundasyon ng templo at napuno ng usok ang loob ng templo.

5 Sinabi ko, "Kahabag-habag ako! Tiyak na mapapahamak ako, sapagkat akoʼy may maruming labi at naninirahan ako sa kasama ng mga taong marurumi rin ang pananalita. At ngayon, nakita ko ang Hari, ang Panginoon ng mga Hukbo."

6 Pagkatapos, lumipad ang isa sa mga makalangit na nilalang papunta sa akin, may dala siyang baga na kinuha niya sa altar. 7 Idinampi niya ang baga sa aking bibig at sinabi, "Tingnan mo, dumampi na ito sa iyong bibig. Ang iyong pagkakasala ay naalis na at ikaʼy pinatawad na."

8 Pagkatapos, narinig ko ang tinig ng Panginoon na nagsasabi, "Sino ang isusugo ko? Sino ang hahayo para sa amin?"

Sumagot ako, "Narito po ako! Ako ang isugo ninyo."

9 Sinabi niya, "Humayo ka at sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel,

‘Marinig man ninyoʼy

hindi rin ninyo mauunawaan.

Makita man ninyoʼy

hindi rin ninyo maiintindihan.’

10 Patigasin mo ang puso

ng mga taong ito.

Hayaan mong hindi makarinig

ang kanilang mga tainga

at hindi makakita

ang kanilang mga mata,

sapagkat kung talagang

nakakakita sila, nakakarinig,

at nakakaunawa,

magbabalik-loob sila sa akin,

at silaʼy mapapagagaling."

11 Nagtanong ako, "Panginoon, gaano katagal?"

Sumagot siya,

"Hanggang sa mawasak

ang mga lungsod ng Israel

at wala nang manirahan dito.

Hanggang sa wala nang tumira

sa mga bahay

at ang lupain ay maging tiwangwang

at wasak.

12 Hanggang sa itaboy ng Panginoon

ang mga Israelita

at ang kanilang lupain

ay tuluyang mapabayaan na.

13 Kahit maiwan pa

ang ikasampung bahagi

ng mga Israelita sa lupain ng Israel,

lilipulin pa rin sila.

Ngunit may mga pinili akong

matitira sa kanila.

Ang katulad nilaʼy mga tuod

ng pinutol na punong ensina."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-