1 Ang mga taga-Moab
na nagsitakas sa Sela,
na isang bayan sa ilang
ay nagpadala ng mga batang tupa
bilang regalo sa hari ng Jerusalem.
2 Ang mga babaeng taga-Moab
na nasa tawiran ng Arnon
ay parang mga ibong binulabog
sa kanilang mga pugad.
3 Sabi ng taga-Moab,
"Payuhan ninyo kami,
magpasya kayo kung
ano ang dapat gawin.
Liliman sana kami ng inyong anino
mula sa init ng araw
sa tanghaling-tapat.
Ikubli ninyo kaming nagsitakas
mula sa aming bayan;
huwag ninyong isuko,
kaming mga wala nang tahanan.
4 Hayaan sana ninyong kami
ay manatili sa inyong piling,
at kamiʼy ipagtanggol sa
mga gustong lumipol sa amin."
Matatapos ang pang-aapiʼt
pang-aalipusta,
ang pagwawasak ay titigil na,
at ang mga yumuyurak
ay tuluyan nang mawawala.
5 Itatatag ang trono
ng isang nagmumula sa lahi ni David.
Siyaʼy mamumuno nang
may pagmamahal at katapatan;
isang hukom
na makatarungan ang hatol,
at maagap gawin
kung ano ang matuwid.
6 Nabalitaan naming masyadong
mapagmalaki ang mga taga-Moab.
Ang pagmamataas at kahambugan nila
ay walang kabuluhan.
7 Kaya iiyakan ng mga taga-Moab
ang kanilang bansa.
Iiyak silang lahat
dahil sa pagkawala
ng masasarap nilang pagkain
sa Kir-hareset.
8 Nasira ang mga bukid sa Hesbon
pati na ang mga ubasan sa Sibma.
Winasak ng mga pinuno ng mga bansa
ang mga ubasan hanggang sa Jazer
patungo sa disyerto
at umabot pa hanggang sa Dagat na Patay.
9 Kaya umiiyak ako tulad ng mga taga-Jazer,
dahil sa ubasan ng Sibma.
Iniiyakan ko
ang Hesbon at Eleale
dahil hindi na maririnig
ang masasaya nilang hiyawan
dahil sa masaganang ani.
10 Naglaho ang kagalakan nila at kasayahan
sa kanilang mga ubasan.
Wala nang umaawit o humihiyaw
sa mga ubasan.
Wala na ring pumipisa ng ubas
para gawing alak.
Pinatigil na ng Panginoon: Sa Hebreo, Pinatigil ko na. Nagsasalita rito ang Panginoon sa pamamagitan ni Isaias.
ang kanilang hiyawan.
11 Kaya nalulungkot ako
sa sinapit ng Moab
na katulad ng malungkot
na tugtugin ng alpa.
Nalulungkot din ako
sa sinapit ng Kir-hareset.
12 Mapapagod lang ang mga taga-Moab
sa kababalik sa kanilang mga sambahan
sa matataas na lugar.
At wala ring kabuluhan
ang kanilang pagpunta
sa kanilang mga altar
para manalangin.
13 Iyon ang sinabi noon ng Panginoon tungkol sa Moab. 14 At ngayon, ito ang sinabi ng Panginoon, "Sa loob ng tatlong taon, mawawala ang karangalan ng Moab at malalagay sa kahihiyan ang kanyang mga mamamayan. Iilan lang ang matitirang buhay sa mga mamamayan nito at mahihina pa."