1 Aawit ako para sa aking minamahal
tungkol sa kanyang ubasan:
May ubasan ang aking minamahal
sa burol na mataba ang lupa.
2 Inararo niya ito,
inalisan ng mga bato,
at tinamnan ng mga piling ubas.
Nagtayo rin siya ng bantayang tore,
at nagpagawa ng pigaan ng ubas.
Pagkatapos, hinintay niya ang ani
ng matatamis na ubas,
subalit ang mga lumago naman
ay pawang maaasim.
3 Kaya sinabi niya:
"Kayong mga nakatira
sa Jerusalem at Juda,
kayo ang humatol sa pagitan
namin ng aking ubasan.
4 Mayroon pa ba akong dapat gawin
para sa aking ubasan
na hindi ko pa nagagawa?
Matamis na bunga ang aking inaasahan,
ngunit nang pitasin ay maasim naman.
5 Sasabihin ko sa inyo
ang gagawin ko sa ubasan ko.
Aalisin ko ang halamang bumabakod dito,
at itoʼy masisira;
wawasakin ko ang pader nito,
at itoʼy tatapak-tapakan.
6 Pababayaan ko na lang ito
at hindi na aalagaan.
Hindi ko na rin ito puputulan
ng mga sanga o bubungkalin.
Hahayaan ko na lang ito na matabunan
ng mga damo at matitinik na halaman.
At ang mga ulap ay aking uutusan
na huwag itong patakan ng ulan."
7 Ang bayang Israel ang ubasan
ng Panginoon ng mga Hukbo.
Ang sambayanan ng Juda
ang tanim na ikinatutuwa niya.
Umasa siyang makakita ng katarungan,
subalit pang-aapi ang kanyang natagpuan.
Umasa siyang makakita ng katuwiran,
ngunit sa halip, iyak ng kahirapan
ang kanyang napakinggan.
8 Nakakaawa kayong
mga nagpaparami ng mga bahay
at nagpapalawak ng inyong mga lupain
hanggang sa wala nang lugar para sa iba
at kayo na lang ang nakatira sa lupaing ito.
9 Sinabi sa akin
ng Panginoong Makapangyarihan,
"Tiyak na mapapabayaan
ang malalaki at magagarang bahay na ito
at wala nang titira dito.
10 Ang dalawang ektaryang ubasan
ay aani na lamang
ng anim na galong alak.
At ang sampung takal na binhi
ay aani lang ng isang takal."
11 Nakakaawa kayong bumabangon nang maaga
para mag-inuman at maglasing
hanggang lumalim ang gabi.
12 May mga alpa at lira pa kayo
sa inyong mga piging,
may tamburin, plawta at alak na nakahain.
Ngunit hindi ninyo pinapansin
ang ginagawa ng Panginoon.
13 Kaya kayong mga mamamayan ko
ay mabibihag
sapagkat kulang kayo sa pang-unawa.
Ang inyong mga matataas na opisyal
ay mamatay sa gutom,
at ang mga karaniwang taoʼy
malulugmok sa pagkauhaw.
14 Nananabik na ang libingan
na may bungangang nakaabang,
hinihintay nitong lamunin
ang mga maharlika
hanggang sa mga karaniwang mamamayan,
pati na ang mga taong nagdiriwang.
15 Kaya ibabagsak
ang lahat ng tao,
lalo na ang mga mapagmataas.
16 Ngunit ang Panginoon ng mga Hukbo
ay dadakilain sa kanyang katarungan.
Patutunayan ng Diyos na siyaʼy banal
sapagkat matuwid
ang kanyang paghatol.
17 Sa araw na iyon,
manginginain ang mga tupa
na para bang nasa sariling pastulan,
at kakain ang mga pinatabang tupa
at batang kambing
sa nawasak na lungsod
ng mga mayayaman.
18 Kahabag-habag kayong binubuntutan
sa kasalanan
kayong paghahabi ng kasinungalingan
ang pinagkakaabalahan,
hindi na kayo makakawala sa gapos
ng inyong panlilinlang.
19 Sinasabi nʼyo pa,
"Bilis-bilisan sana
ng Banal na Diyos ng Israel
na gawin ang sinabi niyang kaparusahan
upang makita na namin.
Magkatotoo na nga ang kanyang plano,
upang malaman namin ito."
20 Kahabag-habag kayong mga nagsasabi
na ang masama ay mabuti
at ang mabuti ay masama.
Ang kadiliman ay sinasabi ninyong liwanag
at ang liwanag ay sinasabi ninyong kadiliman.
Ang mapait ay sinasabi ninyong matamis
at ang matamis ay sinasabi ninyong mapait.
21 Kahabag-habag kayo,
kayong mga nag-aakalang
kayoʼy marurunong at matatalino.
22 Kahabag-habag kayo,
kayong malalakas uminom ng alak
at bihasa sa pagtitimpla nito.
23 Pinakakawalan ninyo
ang may mga kasalanan
dahil sa suhol,
ngunit hindi ninyo binibigyan
ng katarungan ang mga walang kasalanan.
24 Kaya matutulad kayo
sa dayami o tuyong damo
na masusunog ng apoy.
Matutulad din kayo sa tanim
na ang mga ugat ay nabulok
o sa bulaklak na tinangay ng hangin
na parang alikabok,
dahil itinakwil ninyo ang kautusan
ng Panginoon ng mga Hukbo,
ang Banal na Diyos ng Israel.
25 Kaya naglagablab ang poot
ng Panginoon sa inyo
na kanyang mga mamamayan,
iniamba niya ang kanyang kamay
at kayoʼy kanyang pinarusahan.
Nayanig ang mga bundok
at nakakalat sa mga lansangan
ang inyong mga bangkay
na parang mga basura.
Ngunit hindi pa rin humupa
ang kanyang poot.
Ang kanyang kamay
ay nananatiling nakaamba.
26 Sesenyasan niya ang mga bansa sa malayo;
sisipulan niya ang mga nakatira
sa pinakamalayong bahagi ng mundo,
at agad silang darating
para salakayin kayo.
27 Ni isa man sa kanila
ay hindi mapapagod o madadapa,
at wala ring aantukin o matutulog.
Walang sinturong luluwag sa kanilang baywang,
walang tali ng sandalyas na malalagot.
28 Ang kanilang mga palasoʼy matutulis,
at ang kanilang panaʼy nakakabit
at nakaamba.
Ang mga paa ng kanilang kabayo
ay tulad ng matitigas na bato,
at ang gulong ng kanilang mga karwaheʼy
tulad ng ikot ng buhawi.
29 Ang sigaw nilaʼy parang ungol ng leon,
umaatungal silang gaya ng mga batang leon.
Habang umuungol ay sinasakmal nila
ang kanilang biktima,
kinakaladkad nila ito
at wala nang makakapagligtas nito.
30 Sa araw na sumalakay sila sa Israel,
sisigaw sila na parang ugong ng dagat.
At kapag tiningnan
ng mga tao ang lupain ng Israel,
ang makikita nila ay kadiliman at kahirapan.
Ang liwanag ay matatakpan
ng makapal na ulap.