Publicidade

Isaías 48

Ang Pagmamatigas ng mga Israelita

1 "Makinig kayo, mga lahi ni Jacob,

kayong tinatawag na Israel,

at nagmula sa lahi ni Juda.

Sumusumpa kayo sa pangalan

ng Panginoon

at tumatawag sa Diyos ng Israel.

Ngunit pakunwari lang pala,

dahil hindi naman matuwid

ang inyong pamumuhay.

2 Sinasabi pa ninyong kayoʼy

mga mamamayan ng banal

na lungsod,

at nagtitiwala kayo sa Diyos ng Israel,

na ang pangalan

ay Panginoon ng mga Hukbo.

3 Sinabi ko na noon pa

kung ano ang mga mangyayari

sa hinaharap.

At itoʼy aking isinakatuparan.

4 Sapagkat alam ko kung gaano

katigas ang inyong ulo.

Ang inyong leeg

ay kasintigas ng bakal

at ang inyong noo

ay kasintigas ng tanso.

5 Kaya sinabi ko na agad sa inyo

ang aking gagawin.

Noong hindi pa ito nangyayari,

sinabi ko na ito sa inyo

upang hindi ninyo masabing

ang inyong mga diyos-diyosan,

mga imaheng gawa sa kahoy at bakal

ang siyang nag-utos nito.

6 Narinig ninyo

ang aking mga propesiya

at nakita ninyo ang katuparan

ng mga ito,

ngunit ayaw ninyong tanggapin

na ako ang gumawa nito.

"Mula ngayon, sasabihin ko sa inyo

ang mga bagong bagay

na hindi ko pa ipinahayag sa inyo.

Hindi pa ninyo ito alam.

7 Ngayon ko pa lamang ito gagawin

upang hindi ninyo masabing

itoʼy alam na ninyo.

8 Hindi ninyo napakinggan o naunawaan

ang mga bagay na ito

dahil mula pa noon

nagbibingi-bingihan na kayo.

Alam ko ang inyong kataksilan

dahil mula pa noong kayoʼy isinilang

mga rebelde na kayo.

9 Alang-alang sa karangalan ko,

pinigilan ko ang aking galit sa inyo

alang-alang sa kapurihan ko,

hindi ko muna ito itinuloy

upang hindi kayo malipol.

10 Lilinisin ko kayo

ngunit hindi katulad

ng paglilinis sa pilak,

dahil lilinisin ko kayo

sa pamamagitan ng paghihirap.

11 Gagawin ko ito

para sa aking karangalan.

Hindi ako papayag na ako ay mapahiya

at ang mga diyos-diyosan ay maparangalan.

Pinalaya ang Israel

12 "Makinig kayo sa akin,

kayong mga taga-Israel

na aking pinili.

Ako ang Diyos;

ako ang pasimula

at ang wakas ng lahat.

13 Ang aking mga kamay

ang naglagay ng pundasyon ng mundo

at ako rin ang naglatag ng langit.

Kapag nag-utos ako sa mga ito,

silaʼy sumusunod.

14 "Magtipon kayong lahat at makinig:

Sino sa mga diyos-diyosan

ang humulang lulusubin

ng kaibigan ng Panginoon

ang Babilonia para sundin

ang ipinapagawa niya

laban sa bansang iyon? Wala!

15 Ako mismo ang nagsabi sa kanya

at ako rin ang tumawag sa kanya.

Dadalhin ko siya rito

at siyaʼy magtatagumpay

sa kanyang gagawin.

16 "Lumapit kayo sa akin at pakinggan ito:

Mula pa ng pasimula

hindi ako nagsalita nang lihim.

Sa panahon na mangyari

ang sinabi ko, naroon ako."

At ngayon sinugo ako

ng Makapangyarihang Panginoon

at ng kanyang Espiritu

dala ang mensaheng ito.

17 Sinasabi ng Panginoon

na inyong Tagapagligtas,

ang Banal na Diyos ng Israel:

"Ako ang Panginoon na inyong Diyos

na nagturo sa inyo kung ano

ang mabuti para sa inyo

at ako ang pumatnubay sa inyo

sa tamang daan.

18 Kung kayo lamang ay sumunod

sa aking mga utos,

dumaloy sana na parang ilog

ang kapayapaan sa inyo,

at magsunod-sunod ang inyong tagumpay

na parang alon na dumarating

sa dalampasigan.

19 Ang inyo sanang mga lahi ay naging

kasindami ng buhangin

na hindi mabilang,

at tinitiyak kong hindi

sila mapapahamak."

20 Lisanin ninyo ang Babilonia!

Malaya na kayo

sa inyong pagkakabihag.

Buong galak ninyong ihayag

sa buong mundo

na iniligtas ng Panginoon

ang kanyang lingkod,

ang mga mamamayan ng Israel.

21 Hindi sila nauhaw

nang patnubayan sila ng Diyos sa ilang,

dahil pinaagos niya ang tubig

mula sa bato para sa kanila.

Biniyak niya ang bato

at umagos ang tubig.

22 "Ngunit ang masasama

ay hindi magkakaroon ng kapayapaan,"

wika ng Panginoon.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-