1 Kayong mga bansa, lumapit kayo
at makinig nang mabuti.
Makinig ang buong mundo
at ang lahat ng nasa kanya.
2 Sapagkat galit ang Panginoon
sa lahat ng bansa;
galit siya sa kanilang mga kawal.
Ganap niyang lilipulin ang mga ito.
Papatayin niya silang lahat.
3 Hindi ililibing ang kanilang mga bangkay
kaya aalingasaw ito,
at ang mga bundok ay mamumula
dahil sa kanilang dugo.
4 Maglalaho ang lahat ng bituin sa kalangitan,
at ang kalawakan ay bibilutin
na parang kasulatan.
Mahuhulog ang lahat ng bagay sa langit
na parang nalalantang mga dahon ng ubas
o nalalagas na bunga ng igos.
5 Pagkatapos gamitin ng Panginoon
ang kanyang espada sa langit,
tatama naman ito sa Edom
upang parusahan at lipulin.
6 Ang espada ng Panginoon
ay mapupuno ng dugo at taba,
na parang ginamit sa pagkatay
ng mga kambing at tupang ihahandog,
sapagkat papatayin ng Panginoon
ang mga taga-Bosra bilang handog.
Marami ang kanyang papatayin
sa iba pang mga lungsod ng Edom.
7 Papatayin din na parang mga toro
ang kanilang mga makapangyarihang
mamamayan.
Ang kanilang lupain
ay mapupuno ng dugo at taba.
8 Sapagkat ang Panginoon
ay may itinakdang araw para maghiganti
sa kanyang mga kaaway
para tulungan ang Zion.
9 Ang mga sapa
at ang lupa sa Edom ay masisira.
Ang buong bansa ay masusunog
at hindi na mapapakinabangan.
10 At hindi ito mapapatay araw at gabi.
Ang usok nitoʼy papailanlang
magpakailanman.
Wala nang matitira o dadaan man lang
sa Edom kahit kailan.
11 Magiging tirahan ito
ng mga kuwago at mga uwak.
Nasa plano na ng Panginoon
na iparanas sa lupaing ito
ang kaguluhan at kapahamakan.
12 At tatawagin itong,
"Walang Kuwentang Kaharian."
Mawawala ang lahat ng pinuno nito.
13 Tutubo ang matitinik na mga halaman
sa mga tanggulang lungsod
at matitibay na bahagi nito.
Maninirahan doon ang mga kuwago
at mga asong-gubat.
14 Magsasama-sama roon
ang mga asong-gubat
kasama ng iba pang hayop sa gubat.
Tatawagin ng mga maiilap na kambing
ang mga kasamahan nila roon.
At ang mga malignong lumalabas kapag gabi
ay pupunta roon para magpahinga.
15 Ang mga kuwago ay magpupugad doon,
mangingitlog, mamimisa,
at iingatan nila ang kanilang mga inakay
sa ilalim ng kanilang mga pakpak.
Ang mga uwak ay pares-pares
na magtitipon roon.
16 Tingnan ninyo ang aklat ng Panginoon at basahin.
Wala ni isa man sa mga sinabi ko
ang hindi matutupad.
Walang mawawala ni isa man
sa mga hayop na iyon,
at wala ni isa man sa mga ito
ang walang kapares,
sapagkat iyan ang ipinasya ng Panginoon,
at siya mismo ang magtitipon sa kanila.
17 Siya ang magbibigay
sa mga hayop ng lupa
na kanilang titirhan.
Mapapasakanila ito magpakailanman,
at doon sila titira magpakailanman.