Publicidade

Isaías 53

1 Sinong naniwala sa aming ibinalita?

At kanino inihayag ng Panginoon

ang kanyang kapangyarihan?

2 Ang kanyang lingkod ay lumago

sa harapan niya

na katulad ng isang tanim

na sumisibol mula sa tuyong lupa.

Wala siyang kagandahan o kadakilaan

para maakit tayo sa kanya.

Walang anuman sa kanyang hitsura

para magustuhan natin siya.

3 Hinamak siya at itinakwil ng mga tao.

Dumanas siya ng mga sakit at hirap.

Tinalikuran natin siya, hinamak,

at isinawalang-bahala.

4 Ang totoo, pinasan niya

ang mga sakit natin,

at tiniis ang mga pighating

dapat sanaʼy ating dadanasin.

Inakala nating siyaʼy

pinarusahan ng Diyos,

sinaktan at pinahirapan.

5 Subalit, sinugatan siya

dahil sa ating mga pagsuway;

dinurog siya dahil sa ating kasamaan.

Ang parusang tiniis niya

ay nagdulot sa atin ng kapayapaan.

At dahil sa kanyang mga sugat,

tayoʼy may kagalingan.

6 Tayong lahat ay parang

mga tupang naligaw.

Bawat isa sa atin

ay gumawa ng nais nating gawin.

Ngunit siya ang pinarusahan ng Panginoon

ng parusang dapat sana

ay para sa ating lahat.

7 Inapi siya at sinaktan,

ngunit hindi man lang dumaing.

Para siyang tupang dadalhin

sa katayan upang patayin,

o tupang gugupitan

na hindi man lang umiimik.

8 Hinuli siya, hinatulan,

at pinatay.

Walang nakaisip,

isa man sa mga salinlahi niya,

na pinatay siya

dahil sa kanilang mga kasalanan,

at kinitil nang maaga ang kanyang buhay,

at tiniis niya ang parusang

dapat sana ay para sa kanila.

9 Kahit na wala siyang ginawang kasalanan

at anumang pandaraya,

inilibing siyang parang isang kriminal;

inilibing siyang kasama ng mga mayayaman.

10 Ngunit niloob ng Panginoon

na siyaʼy durugin at pahirapan.

Kahit na ang kanyang buhay

ay ginawang handog ng Panginoon

para sa kapatawaran ng kasalanan,

makikita niya ang pagpapatuloy

ng kanyang lahi

at matatamasa niya

ang mahabang buhay.

At sa pamamagitan niya

ay matutupad ang kalooban

ng Panginoon.

11 Kapag matapos na

ang kanyang paghihirap,

makikita niya ang liwanag

at masisiyahan siya.

Dahil sa karunungan ng aking

matuwid na lingkod,

marami ang ituturing na matuwid,

at siya ang papasan

sa kaparusahan ng kanilang

mga kasalanan.

12 Dahil dito, pararangalan ko siya

katulad ng mga taong tanyag

at makapangyarihan

dahil ibinigay niya ang buhay niya.

Ibinilang siya na isa sa mga makasalanan.

Nagdusa siya para

sa maraming makasalanan

at hiniling pa niya sa Diyos

na silaʼy patawarin.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-