Publicidade

Isaías 30

Kahabag-habag ang Bansang Suwail

1 Sinabi ng Panginoon,

"Kahabag-habag ang aking mga anak

na suwail.

Gumagawa sila ng mga plano na hindi naaayon

sa kalooban ko.

Nakikipagkasundo sila na

hindi pinapatnubayan ng aking Espiritu.

Kaya ang kasalanan nilaʼy

nadadagdagan pang lalo.

2 Pumunta sila sa Ehipto

na hindi sumangguni sa akin

para humingi ng proteksyon sa Faraon

at kanlungan sa bayang iyon.

3 Ngunit ang proteksyon ng Faraon

ay magdudulot ng kahihiyan

dahil mabibigo kayo sa hinahangad na tulong.

4 Sapagkat kahit na may

mga namumunong opisyal

ng Faraon sa Zoan

at nakarating ang mensahero niya

hanggang sa Hanes,

5 mapapahiya lang ang Juda

dahil sa mga taga-Ehiptong

walang pakinabang

at wala namang maitutulong sa kanila,

sa halip, kabiguan at kahihiyan

ang matatamo nila."

6 Ito ang pahayag ng Diyos tungkol sa mga hayop sa Negeb:

Nilakbay ng mga taga-Juda

ang ilang na mahirap lakbayin

kung saan may mga leon,

mga ulupong at lumilipad

na mga makamandag na ahas.

Ikinakarga nila ang kanilang mga kayamanan

sa mga asno at mga kamelyo,

para ihandog sa bansang

hindi man lang makatulong sa kanila.

7 Ang bansang iyon ay ang Ehipto,

na ang tulong ay walang silbi.

Kaya tinatawag ko itong

"Dragon na Inutil."

8 "Halika, iukit mo sa tapyas na bato,

isulat mo sa aklat,

upang sa darating na panahon

ay magsisilbi itong saksi.

9 Sapagkat mga rebelde sila, sinungaling,

at ayaw makinig sa mga aral ko.

10 Sinabi nila sa mga propeta,

‘Huwag na ninyong sabihin sa amin

ang tungkol sa mga pahayag

ng Diyos sa inyo.

Huwag na ninyong sabihin

sa amin ang tama.

Sabihin nʼyo sa amin ang mga bagay

na makapagpapasaya sa amin

at mga pangitain na hindi mangyayari.

11 Umalis kayo sa aming dinadaanan,

huwag ninyo kaming harangan.

Huwag na ninyong sabihin sa amin

ang tungkol sa Banal na Diyos ng Israel.’ "

12 Kaya sinabi ng Banal na Diyos ng Israel,

"Dahil sa itinakwil ninyo ang aking mensahe

at nagtiwala kayo sa pang-aapi

at pandaraya,

13 bigla kayong malilipol.

Ang inyong mga kasalanan

ay katulad ng bitak na biglang wawasak

sa mataas na pader sa isang iglap.

14 Madudurog kayo na parang palayok,

na sa lakas ng pagbagsak

ay wala man lang

kahit kapirasong mapaglagyan

ng baga o maipansalok ng tubig."

15 Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon, ang Banal na Diyos ng Israel,

"Magbalik-loob kayo

sa akin at pumanatag,

dahil ililigtas ko kayo.

Huwag kayong mabahala

kundi magtiwala sa akin,

dahil palalakasin ko kayo.

Ngunit tumanggi kayo

16 at sinabi ninyo,

‘Hindi! Makakatakas kami

sakay ng aming kabayo.’

Oo, makakatakas nga kayo!

Dagdag pa ninyo, ‘Sasakay kami

sa mabibilis naming kabayo.’

Kaya mabibilis din

ang mga hahabol sa inyo.

17 Sa banta ng isa, isang libong sundalo

ang makakatakas sa inyo.

Sa banta ng lima,

makakatakas kayong lahat.

Matutulad kayo

sa nakatayong bandila

na nag-iisa sa tuktok ng bundok."

18 Ngunit naghihintay ang Panginoon

na kayoʼy lumapit sa kanya

para kaawaan niya kayo.

Nakahanda siyang ipadama sa inyo

ang kanyang pagmamalasakit.

Sapagkat ang Panginoon

ay Diyos na makatarungan,

at mapalad ang nagtitiwala

sa kanya.

19 Kayong mga taga-Zion, na mga mamamayan ng Jerusalem, hindi na kayo muling iiyak! Kaaawaan kayo ng Panginoon kung hihingi kayo ng tulong sa kanya. Kapag narinig niya ang inyong panalangin, sasagutin niya kayo. 20 Para kayong pinakain at pinainom ng Panginoon ng kapighatian at paghihirap. Ngunit kahit na ginawa niya ito sa inyo, siya, na guro ninyo ay hindi magtatago sa inyo. Makikita ninyo siya, 21 at maririnig ninyo ang kanyang tinig na magtuturo sa inyo ng tamang daan, saan man kayo naroroon. 22 Ituring na ninyong marumi ang inyong mga diyos-diyosang gawa sa pilak at ginto. Itapon nʼyo na parang napakaruming basahan at sabihin, "Ayaw ko nang makita kayo!"

23 Bibigyan kayo ng Panginoon ng ulan sa panahon ng pagtatanim, at magiging sagana ang inyong ani. At ang inyong mga hayop ay manginginain sa malawak na pastulan. 24 Ang mga baka ninyo at asnong pang-araro ay kakain ng pinakamainam na pagkain ng hayop na maayos na natahipan para mahiwalay ang ipa gamit ang kalaykay at pala. 25 Sa mga araw na iyon na papatayin ang inyong mga kaaway at wawasakin ang kanilang mga muog, dadaloy ang tubig mula sa bawat matataas na bundok. 26 Liliwanag ang buwan na parang araw. Ang araw naman ay magliliwanag ng pitong ibayo, na parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama sa iisang araw. Mangyayari ito sa araw na gagamutin at pagagalingin ng Panginoon ang sugat ng kanyang mga mamamayan.

27 Makinig kayo! Dumarating ang Panginoon

mula sa malayo.

Nag-aapoy siya sa galit

at nasa gitna ng usok.

Ang mga labi niyang nanginginig sa galit

ay parang nagliliyab na apoy.

28 Ang kanyang hininga

ay parang malakas na agos

na umaabot hanggang leeg.

Nililipol niya ang mga bansa

na parang sinasalang trigo.

Para silang mga hayop

na nilagyan ng bokado at hinila.

29 Ngunit kayong mga mamamayan

ng Diyos ay aawit,

katulad ng ginagawa ninyo

sa gabi ng banal na pista

ng pagpaparangal sa Panginoon.

Magagalak kayo katulad

ng taong nagmamartsa

sa tunog ng plauta habang naglalakad

patungo sa Bundok ng Panginoon

para sambahin siya,

ang Batong kanlungan ng Israel.

30 Ipaparinig ng Panginoon

ang kanyang makapangyarihang tinig.

At ipapakita niya ang kanyang kamay

na handa nang magparusa

sa tindi ng kanyang galit.

Sasabayan ito ng nagliliyab na apoy,

biglang pagbuhos ng ulan,

pagkulog at pagkidlat, at pag-ulan ng yelo

na parang mga bato.

31 Tiyak na matatakot ang mga taga-Asiria

kapag narinig nila

ang tinig ng Panginoon

na magpaparusa sa kanila.

32 Ang bawat hampas ng pamalo

ng Panginoon

upang silaʼy parusahan

ay sinasabayan ng tugtugin

ng mga tamburin at lira,

habang nilalabanan niya sila

gamit ang kanyang mga bisig.

33 Matagal nang nakahanda ang lugar

na pagsusunugan sa hari ng Asiria.

Maluwang ito at malalim,

at handa na ang napakaraming panggatong.

Ang hininga ng Panginoon

na parang nagniningas na asupre

ang magpapaningas ng mga panggatong.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-