Publicidade

Isaías 2

Kapayapaan sa Mundo

1 Ito ang pangitaing nakita ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at Jerusalem:

2 Sa mga huling araw,

ang bundok na kinatatayuan

ng templo ng Panginoon

ay magiging pinakamataas

sa lahat ng mga bundok.

Ito rin ay magiging pinakamahalaga

sa lahat ng bundok.

Dadagsa rito ang mga tao

mula sa ibaʼt ibang bansa.

3 Sasabihin nila, "Tayo na sa bundok

ng Panginoon,

sa Templo ng Diyos ni Jacob.

Ituturo niya sa atin

ang kanyang pamamaraan

upang lumakad tayo

sa kanyang mga daan."

Manggagaling sa Zion

ang kautusan Panginoon,

ang kanyang salita ay lalaganap

mula sa Jerusalem.

4 Pagkakasunduin ng Panginoon

ang maraming bansa.

Kaya hindi na magdidigmaan

ang mga bansa.

Hindi na rin sila magsasanay

ng mga sundalo para sa digmaan.

Gagawin na lang nilang talim ng araro

ang kanilang mga espada,

at karit na pantabas

ang kanilang mga sibat.

5 Halikayo, mga lahi ni Jacob,

mamuhay tayo sa katotohanan,

na ibinigay sa atin ng Panginoon.

Ang Araw ng Paghatol ng Panginoon

6 Totoong itinakwil nʼyo, Panginoon,

ang mga mamamayan ninyo,

ang lahi ni Jacob,

dahil naniniwala kayo

sa mga pamahiing mula sa silangan

at sa mga manghuhula,

gaya ng mga Filisteo.

Sinusunod ninyo ang pag-uugali

ng mga dayuhan.

7 Ang kanilang lupain

ay napakasagana sa pilak at ginto,

at hindi nauubos

ang kanilang kayamanan.

Napakaraming kabayo sa kanilang lupain,

at hindi mabilang ang mga karwahe nila.

8 Marami silang diyos-diyosan,

at sinasamba nila ang mga bagay na ito

na sila mismo ang gumawa.

9 Kaya ang bawat isa sa kanilaʼy ibabagsak,

lahat silaʼy mapapahiya.

Huwag nʼyo silang patatawarin.

10 Tumakas kayo papunta

sa mga kuweba at mga hukay

upang magtago sa galit ng Panginoon

at sa kanyang kapangyarihan.

11 At ang mga mayayabang ay mapapahiya,

ang mga mapagmataas na taoʼy ibababa.

Ang itataas sa araw na iyon

ay tanging ang Panginoon lamang.

12 Sapagkat itinakda ng

Panginoon ng mga Hukbo ang araw

kung kailan niya ibabagsak

ang mga mayayabang at mapagmataas,

at ang mga nag-aakalang

silaʼy makapangyarihan.

13 Puputulin niya ang lahat ng matataas

na puno ng sedro sa Lebanon

at ang lahat ng puno ng ensina sa Bashan.

14 Papantayin niya ang lahat

ng matataas na bundok at burol,

15 at wawasakin ang lahat

ng matataas na tore at pader.

16 Palulubugin niya ang lahat

ng barko ng Tarsis

at ang mga naggagandahang

sasakyang pandagat.

17 Ibabagsak nga niya ang mayayabang

at ang mga mapagmataas

ay ibababa niya.

Tanging ang Panginoon

ang maitataas sa araw na iyon.

18 At tuluyan nang mawawala

ang mga diyos-diyosan.

19 Kapag niyanig na niya ang mundo,

tatakas ang mga tao papunta

sa mga kuweba sa burol

at sa mga hukay sa lupa

magtago sa galit ng Panginoon

at sa kanyang kapangyarihan.

20 Sa araw na iyon, itatapon nila

sa mga daga at mga paniki

ang mga diyos-diyosan nilang pilak at ginto

na ginawa nila para sambahin.

21 Tatakas nga sila papunta

sa mga kuweba sa burol

at sa malalaking bato

para magtago sa galit ng Panginoon

at sa kanyang kapangyarihan

kapag niyanig na niya ang mundo.

22 Huwag kayong magtitiwala sa tao.

Mamamatay lang din sila.

Ano ba ang magagawa nila?

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-