Publicidade

Isaías 61

Ang Magandang Balita para sa mga Inaapi

1 Ang Espiritu ng Makapangyarihang Panginoon

ay sumasaakin.

Sapagkat hinirang niya ako

na mangaral ng magandang balita

sa mga dukha.

Sinugo niya ako para aliwin

ang mga sugatang-puso,

at para ipahayag sa mga bihag

at mga bilanggo na silaʼy malaya na.

2 Sinugo rin niya ako para ipahayag

na ngayon na ang panahon

na ililigtas ng Panginoon

ang kanyang mga mamamayan

at parurusahan ang kanilang mga kaaway.

3 Sinugo rin niya ako

para aliwin ang mga nalulungkot sa Zion,

nang sa ganoon,

sa halip na maglagay sila ng abo

sa kanilang ulo bilang tanda

ng pagdadalamhati,

maglalagay sila ng langis

o ng koronang bulaklak

sa kanilang ulo

bilang tanda ng kaligayahan.

Silaʼy magiging parang matibay na puno

na itinanim ng Panginoon.

Kikilalanin silang mga taong matuwid

sa ikakaluwalhati ng Panginoon.

4 Muli nilang itatayo ang mga lugar

na gumuho noong unang panahon,

at aayusin ang mga lungsod

na nawasak noon.

Muli nilang bubuhayin ang mga ito,

kahit na napakatagal na nitong gumuho.

5 Mga mamamayan ng Diyos,

maglilingkod sa inyo ang mga dayuhan.

Aalagaan nila ang inyong mga hayop,

at magtatrabaho sila

sa inyong mga bukid

at mga ubasan.

6 Tatawagin kayong mga pari ng Panginoon,

mga lingkod ng ating Diyos.

Makikinabang kayo

sa kayamanan ng mga bansa

at magagalak kayo

na ang mga itoʼy naging inyo.

7 Sa halip na kahihiyan, magiging doble

ang inyong matatanggap na pagpapala

sa inyong lupain

at talagang masisiyahan kayo

sa matatanggap ninyo.

Magiging maligaya kayo magpakailanman.

8 "Sapagkat ako, ang Panginoon,

ay nagnanais ng katarungan.

Galit ako sa mga pagnanakaw

at sa iba pang kasamaan.

Sa aking katapatan, gagantimpalaan ko

ang aking mga mamamayan

at gagawa ako ng walang hanggang

kasunduan sa kanila.

9 Ang lahi nilaʼy magiging tanyag

sa mga bansa.

Ang lahat ng makakakita sa kanila

ay magsasabing silaʼy mga taong

pinagpala ng Panginoon."

10 Nalulugod ako sa Panginoon kong Diyos,

dahil para niya akong binihisan

ng kaligtasan at tagumpay.

Para akong lalaking ikakasal

na may suot na katulad

ng magarang damit ng pari,

o babae sa kasal na may mga alahas.

11 Sapagkat kung papaanong

tiyak na sa lupa tumutubo ang mga binhi,

ang tagumpay at katuwiran naman

ay tiyak na manggagaling

Makapangyarihang Panginoon,

at pupurihin siya ng mga bansa.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_06-50-08-