Publicidade

Isaías 29

Ang Mensahe tungkol sa Jerusalem

1 Nakakaawa ang Jerusalem,

ang lungsod kung saan

nanirahan si David!

Sige, hayaang ipagdiwang

sa bawat taon

ang kanyang mga pista.

2 Ngunit lulusubin ko ito,

at mag-iiyakan at mananaghoy

ang kanyang mga mamamayan.

Itoʼy magiging parang altar

na puno ng dugo sa akin.

3 Kukubkubin ko ang lungsod ng Jerusalem.

Paliligiran ko ito ng toreng panalakay

at patatambakan ng lupa

sa gilid ng mga pader

para maakyat ito.

4 Ibabagsak ka nang tuluyan

at sa ibabaw ng lupa ka magsasalita;

sa alikabok magmumula

ang iyong mga bulong.

Ang tinig moʼy tila multong

manggagaling sa kailaliman ng lupa,

sa alikabok ang salita moʼy

parang huni ng ibon.

5 Ngunit darating ang araw

na ang marami niyang malulupit na kaaway

ay magiging parang alikabok

o ipa na tatangayin ng hangin.

Bigla itong mangyayari sa kanila.

6 Ang Jerusalem ay aalalahanin ko,

at ako ang Panginoon ng mga Hukbo,

ay darating na may kulog, lindol, ingay,

buhawi, bagyo, at nagliliyab na apoy.

7 Ang maraming bansang kumakalaban

sa Jerusalem,

na sumasalakay sa kanya

at gumigiba sa kanyang tanggulan

ay mawawalang katulad

ng isang panaginip

o ng isang pangitain sa gabi.

8 Katulad sila ng taong nanaginip na kumakain,

ngunit nang magising ay gutom pa rin;

katulad ng taong nanaginip na umiinom,

ngunit nang magising ay uhaw pa rin.

Ganoon ang sasapitin ng lahat

ng mga bansang

kumakalaban sa Zion.

9 Magugulat kayo at mamamangha,

magpakabulag at tuluyang

hindi makakita.

Malalasing kayo,

ngunit hindi dahil sa ubas,

at magsusuray-suray,

ngunit hindi dahil sa alak.

10 Sapagkat para kayong pinatulog

ng Panginoon nang mahimbing.

Ipinikit niya ang mata ng inyong mga propeta;

tinakpan niya ang ulo

ng inyong mga manghuhula.

11 Para sa inyo, ang buong pangitaing ito ay parang mga salita ng isang kasulatang natatakan. Kapag ibinigay mo ito sa marunong bumasa para basahin, sasabihin niya, "Hindi ko iyan mabasa dahil iyan ay natatakan." 12 At kapag ibinigay mo naman ito sa hindi marunong bumasa, sasabihin niya, "Hindi ako marunong bumasa."

13 Sinabi ng Panginoon,

"Sa salita lamang lumalapit

sa akin ang mga taong ito,

sa labi lamang ako iginagalang,

ngunit ang kanilang

mga pusoʼy malayo sa akin.

Ang pagsamba nila sa akiʼy walang kabuluhan;

pawang tuntunin ng tao

ang kanilang katuruan.

14 Kaya muli kong ipapamalas

sa mga taong ito

ang sunod-sunod na kababalaghan.

At maglalaho ang karunungan

ng marurunong,

at mawawalang-saysay ang katalinuhan

ng mga matatalino."

15 Nakakaawa kayong mga nagtatago

sa Panginoon ng inyong mga plano.

Ginagawa ninyo ang inyong mga gawain sa dilim

at sinasabi ninyo,

"Walang makakakita o makakaalam

ng ginagawa natin."

16 Baluktot ang inyong pag-iisip.

Itinuturing ninyong parang putik

ang magpapalayok.

Masasabi ba ng isang gawa

sa gumawa sa kanya,

"Hindi ikaw ang gumawa sa akin?"

Masasabi ba ng palayok

sa magpapalayok,

"Hindi mo alam ang iyong ginagawa?"

17 Hindi magtatagal,

ang mga kagubatan ng Lebanon

ay magiging matabang lupain,

at ang matabang lupain

ay magiging kagubatan.

18 Sa araw na iyon, ang bingi

ay makakarinig ng binabasang aklat.

At ang bulag, na walang nakikita

kundi kadiliman

ay makakakita na.

19 Muling sasaya ang mga mapagpakumbaba

at mga dukha dahil sa Panginoon,

ang Banal na Diyos ng Israel.

20 Sapagkat mawawala ang mga malulupit

at ang mga nangungutya.

At mamamatay ang lahat

ng mahilig sa pagkakasala,

21 pati na ang lahat ng naninira ng kapwa,

ang mga nagsisinungaling

para mapaniwala nila ang mga hukom,

at ang mga pekeng saksi

upang hindi mabigyan ng katarungan

ang mga walang kasalanan.

22 Kaya ang Panginoon, ang Diyos na nagligtas kay Abraham ay nagsabi tungkol sa lahi ni Jacob,

"Mula ngayon ang bayang ito

ay wala nang dapat ikahiya o ikatakot man.

23 Sapagkat kapag nakita nila

ang mga ginawa ko sa kanila,

igagalang nila ako,

ang Banal na Diyos ni Jacob.

At magkakaroon sila ng takot sa Diyos ng Israel.

24 Ang mga hindi nakakaunawa

ng katotohanan ay makakaunawa na,

at ang mga nagrereklamo

kapag tinuturuan ay matutuwa na."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-