Publicidade

Isaías 27

Ang Pagliligtas sa Israel

1 Sa araw na iyon,

gagamitin ng Panginoon

ang kanyang matalim

at makapangyarihang espada

upang parusahan ang Leviatan,

ang dragon sa karagatan

at papatayin ang maliksi

at gumagapang na dambuhala sa dagat.

2 "Sa araw na iyon,

aawit kayo tungkol sa ubasan

na umaani nang sagana.

3 Ako ang Panginoon

na nag-aalaga ng ubasan.

Dinidiligan ko ito.

Araw-gabi ko itong binabantayan

upang walang sinumang manira nito.

4 Hindi na ako galit

sa ubasang ito.

Ngunit sa sandaling may makita akong

mga halamang may tinik,

tatanggalin ko iyon at susunugin.

5 Ngunit kung nanaisin nilang

akin silang alagaan,

ang kailangan lang nilang gawin

ay makipagkasundo sa akin."

6 Darating ang araw na ang mga mamamayan

ng Israel na lahi ni Jacob

ay magkakaugat tulad ng halaman.

Magkakasanga ito, mamumulaklak,

at mamumunga ng marami

at pupunuin ang buong mundo.

7 Hindi pinaparusahan ng Diyos ang Israel

katulad ng pagpaparusa niya

at pagpatay sa mga kaaway nila.

8 Ipinabihag ng Panginoon

ang kanyang mga mamamayan

bilang parusa sa kanila.

Ipinatangay niya sila

sa napakalakas na hangin

mula sa silangan.

9 Mapapatawad lang sila

kung gigibain nila

ang kanilang mga altar na bato

at kung didikdikin ang mga ito ng pino

at itatapon ang mga posteng imahen

ni Ashera,

at ang mga altar na pinagsusunugan nila

ng insenso.

10 Nawasak na ang tanggulang lungsod.

Para na itong ilang.

Wala nang nakatira rito.

Naging pastulan na lang ito

at pahingahan ng mga baka.

Inubos ng mga baka

ang mga dahon ng mga sanga.

11 At nang mabali at matuyo ang mga sanga,

tinipon ito ng mga babae

at ginawang panggatong.

Dahil sa walang pang-unawa

ang mga taong ito,

hindi sila kaaawaan ng Diyos

na lumikha sa kanila.

12 Sa araw na iyon, ihihiwalay ng Panginoon ang mga Israelita at titipunin niya isa-isa mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa daluyan ng tubig ng Ehipto na parang nagtitipon ng mga butil sa giikan. 13 At sa araw na iyon, tutunog ang dakilang trumpeta. Silang mga ikinalat na naghihirap sa Asiria at mga bihag sa Ehipto ay darating at sasamba sa Panginoon sa banal na bundok sa Jerusalem.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-