1 Ang pahayag na itoʼy tungkol sa Moab:
Sa loob lamang ng isang gabi
ay nawasak ang lungsod ng Ar
at Kir na sakop ng Moab.
2 Umahon ang mga taga-Dibon
mula sa kanilang templo
at sa kanilang mga sambahan
sa matataas na lugar para umiyak.
Iniiyakan ng mga taga-Moab
ang Nebo at Medeba.
Ang bawat isa sa kanilaʼy nagpakalbo
at nagpaahit ng mga balbas.
3 Nakadamit sila ng sako
habang lumalakad sa lansangan.
Humahagulgol sila
sa tuktok ng bubong
at sa mga plasa.
4 Umiiyak ang mga taga-Hesbon
at ang mga taga-Eleale
at naririnig ito hanggang sa Jahaz.
Kaya ang mga sundalo ng Moab
ay sumisigaw nang malakas
at nanghihina sa takot.
5 Nalungkot ako
dahil sa nangyari sa Moab.
Nagsitakas ang kanyang
mga mamamayan papuntang Zoar
hanggang sa Eglat-selisiya.
Nag-iiyakan sila
habang umaahon papuntang Luhit.
Ang iba sa kanila
ay humahagulgol patungo sa Horonaim,
dahil sa kanilang sinapit.
6 Natuyo ang mga sapa ng Nimrim
at nalanta ang mga damo.
Ang kaparangan ay nalanta
at anumang luntian
ay nawala na.
7 Kaya dinala nila sa kabila
ng daluyan ng tubig ng Herabim
ang mga ari-arian
at kayamanang natipon nila.
8 Ang iyakan nila ay maririnig
sa hangganan ng Moab,
mula sa Eglaim hanggang
sa Beer-elim.
9 Naging pula sa dugo
ang tubig ng Dibon,
ngunit higit pa diyan ang gagawin ko:
Magpapadala ako ng mga leon
na lalapa sa mga nagsisitakas
mula sa Moab
at sa mga naiwan doon.