Ang mga Kasuklam-suklam na Kaugalian
9 Kapag nakapasok na kayo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos, huwag ninyong susundin ang kasuklam-suklam na mga kaugalian ng mga naninirahan doon. 10 Wala ni isa man sa inyo na magsusunog ng kanyang anak bilang handog. At huwag din kayong manghuhula, mangkukulam, 11 manggagaway, gumagawa ng mga ginagawa ng mga espiritista, at makikipag-usap sa espiritu ng mga patay. 12 Kinasusuklaman ng Panginoon ang sinumang gumagawa ng mga bagay na ito. Ito ang dahilan kung bakit palalayasin ng Panginoon na inyong Diyos ang mga bansa sa inyong harapan.