28 Gayundin naman, dapat mahalin ng lalaki ang asawa niya tulad ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. Sapagkat ang nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili. 29 Walang taong nasusuklam sa sariling katawan, sa halip, pinapakain niya ito at inaalagaan. Ganito rin ang ginagawa ni Kristo sa kanyang iglesya, 30 sapagkat mga bahagi tayo ng kanyang katawan.
31 Sinasabi sa Kasulatan, "Iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina at makikipag-isa sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isa."5:31 Gen. 2:24. 32 Napakalalim ng kahulugan ng misteryong ito, ngunit ang tinutukoy ko ay si Kristo at ang kanyang iglesya. 33 Kaya kayong mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa gaya ng pagmamahal ninyo sa inyong sarili. At kayong mga babae, igalang ninyo ang inyong asawa.