Ang Talinghaga tungkol sa Utusang Ayaw Magpatawad
21 Lumapit si Pedro kay Hesus at nagtanong, "Panginoon, hanggang ilang beses ko po ba patatawarin ang isang kapatid na nagkakasala sa akin? Hanggang pitong beses po ba?"
22 Sumagot si Hesus, "Hindi lang pitong beses kundi pitumpuʼt pitong beses.
23 "Sapagkat ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad sa isang hari na ipinatawag ang kanyang mga alipin para singilin sa kanilang mga utang. 24 Nang simulan na niya ang paniningil, dinala sa kanya ang isang alipin na nagkautang sa kanya ng milyon-milyon18:24 Sa Griyego, sampung libong talento. Ito ay katumbas ng tatlong daan at pitumpuʼt lima o tatlong daan at apatnapung metriko toneladang pilak.. 25 Dahil hindi siya makabayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, pati ang kanyang asawaʼt mga anak, at lahat ng kanyang ari-arian, para mabayaran ang kanyang utang.
26 "Nagmamakaawang nagpatirapa ang aliping iyon sa hari, ‘Bigyan nʼyo pa po ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ 27 Naawa sa kanya ang hari, kaya pinalaya siya at pinatawad na lang sa kanyang utang.
28 "Ngunit pagkaalis ng aliping iyon, nakasalubong niya ang isang kapwa alipin na may utang sa kanya ng ilang libo.18:28 Sa Griyego, isang daang denario. Ang isang denario ay katumbas ng buong araw na sahod ng isang manggagawa. Sinunggaban niya ito at sinakal, sabay sabi, ‘Bayaran mo ang utang mo sa akin.’
29 "Nagpatirapa ang kapwa niya alipin at nagmakaawa, ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kita.’
30 "Ngunit hindi siya pumayag. Sa halip, ipinakulong niya ang kapwa niya alipin hanggang sa makabayad ito. 31 Nang makita ito ng iba pang alipin, sumama ang loob nila, kaya pumunta sila sa hari at isinumbong ang lahat ng nangyari.
32 "Ipinatawag ng hari ang alipin at sinabi sa kanya, ‘Napakasamá mong alipin! Pinatawad kita sa utang mo dahil nagmakaawa ka sa akin. 33 Hindi ba dapat naawa ka rin sa kapwa mo alipin gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ 34 Sa galit ng hari, ipinakulong niya ang alipin hanggang sa mabayaran nito ang lahat ng utang niya.
35 "Ganyan din ang gagawin ng aking Amang nasa langit kung hindi kayo buong pusong magpapatawad sa inyong kapwa."