Tumakas si Elias
1 Ngayon, sinabi ni Ahab kay Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias, at kung paano nito pinagpapatay ang lahat ng propeta ni Baal. 2 Kaya nagpadala si Jezebel ng mensahero na magsasabi kay Elias, "Lubusan sana akong parusahan ng mga diyos kung sa ganitong oras bukas ay hindi ko pa nagagawa saʼyo ang tulad ng ginawa mong pagpatay sa mga propeta."
3 Natakot si Elias, kaya tumakas siya papunta sa Beer-seba na sakop ng Juda, at iniwan niya roon ang utusan niya. 4 Pagkatapos, naglakad siya nang isang araw papuntang ilang. Nagpahinga siya at umupo sa ilalim ng punongkahoy at nanalangin na mamatay na lang sana siya. Sinabi niya, "Tama na po, Panginoon! Kunin na lang ninyo ang buhay koʼt wala naman akong ipinagkaiba sa aking mga ninuno." 5 Pagkatapos, humiga siya sa ilalim ng punongkahoy, at nakatulog.
Biglang may anghel na kumalabit sa kanya at sinabi, "Bumangon ka at kumain." 6 Pagdilat niya, may nakita siyang tinapay sa ulunan niya, na niluto sa mainit na bato, at tubig na nakalagay sa sisidlan. Kumain siya at uminom, at nahigang muli.
7 Bumalik ang anghel ng Panginoon, kinalabit si Elias at sinabi, "Bumangon ka at kumain, dahil malayo pa ang iyong lalakbayin." 8 Kaya bumangon si Elias, kumain, at uminom. Pinalakas siya ng kanyang kinain, at naglakbay siya sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi, hanggang makarating siya sa Horeb,19:8 Horeb: O Sinai. ang bundok ng Diyos.