9,10 Minsan, pagkatapos nilang kumain sa Silo, tumayo si Ana at nanalangin nang umiiyak dahil sa labis na kalungkutan. Nakaupo noon ang pari na si Eli sa may pintuan ng bahay ng Panginoon.1:10 bahay ng Panginoon: Sa Hebreo, templo ng Panginoon. 11 Nangako si Ana sa Panginoon. Sinabi niya, "O Panginoon ng mga Hukbo, tingnan po ninyo ang aking paghihirap. Alalahanin ninyo ang inyong lingkod at huwag ninyo akong kalimutan. Kung bibigyan nʼyo po ako ng isang anak na lalaki, ihahandog ko siya sa inyo para maglingkod sa inyo sa buong buhay niya. At bilang tanda ng lubos niyang pagsunod sa inyo, hinding-hindi ko po pagugupitan ang kanyang buhok."
12,13 Habang patuloy siyang nananalangin sa Panginoon, nakita ni Eli na bumubuka ang bibig ni Ana pero hindi naririnig ang kanyang boses. Inakala ni Eli na lasing si Ana, 14 kaya sinabi niya sa kanya, "Hanggang kailan ka maglalasing? Tigilan mo na ang pag-inom!"
15 Sumagot si Ana, "Hindi po ako lasing, at hindi po ako nakainom ng kahit anong klase ng inumin. Ibinubuhos ko lang po sa Panginoon ang paghihirap na aking nararamdaman. 16 Huwag po ninyong isipin na masama akong babae. Nananalangin po ako rito dahil sa labis na kalungkutan."
17 Sinabi ni Eli, "Sige, umuwi kang mapayapa. Sanaʼy ipagkaloob ng Diyos ng Israel ang hinihiling mo sa kanya."
18 Sumagot si Ana, "Salamat po sa kabutihan ninyo sa akin." Pagkatapos ay umalis na siya at kumain, at nawala na ang lungkot sa kanyang mukha.
19 Kinabukasan, maagang bumangon si Elcana at ang kanyang pamilya, at silaʼy sumamba sa Panginoon. Pagkatapos ay umuwi sila sa bahay nila sa Rama. Sinipingan ni Elcana si Ana at sinagot ng Panginoon ang panalangin ni Ana na bigyan siya ng anak. 20 At dumating ang panahon na nagbuntis siya at nanganak ng isang lalaki. Pinangalanan niya itong Samuel,1:20 Samuel: Maaaring ang ibig sabihin, dininig ng Diyos. dahil sinabi niya, "Hiningi ko siya sa Panginoon."