Publicidade

2 Crônicas 13

Ang Paghahari ni Abias sa Juda

1 Noong ikalabingwalong taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel, naging hari ng Juda si Abias. 2 Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng tatlong taon. Ang kanyang ina ay si Maaca na anak ni Uriel na taga-Gibea.

Nooʼy may digmaan sa pagitan nina Abias at Jeroboam. 3 Lumusob si Abias kasama ang apatnaraang libong matatapang na mandirigma, at naghanda si Jeroboam ng walong daang libong mahuhusay na kawal.

4 Pagdating nila Abias sa kaburulan ng Efraim, tumayo si Abias sa Bundok ng Zemaraim, at sumigaw kay Jeroboam at sa mga taga-Israel, "Makinig kayo sa akin! 5 Hindi nʼyo ba alam na ang Panginoon, ang Diyos ng Israel ay gumawa ng walang hanggang kasunduan kay David na siya at ang kanyang mga angkan ang maghahari sa Israel magpakailanman? 6 Ngunit ikaw Jeroboam na anak ni Nebat ay nagrebelde sa iyong amo na si Solomon na anak ni David. 7 Sumama saʼyo ang mga walang kuwentang tao, at kinalaban nila ang mga anak ni Solomon na si Rehoboam noong bata pa ito, at wala pang karanasan at kakayahang lumaban sa inyo.

8 "At ngayon gusto nʼyong kalabanin ang kaharian ng Panginoon na pinamamahalaan ng angkan ni David. Nagmamayabang kayo na marami kayong sundalo at dala nʼyo ang mga gintong baka na ipinagawa ni Jeroboam bilang mga diyos ninyo. 9 Pinalayas nʼyo ang mga pari ng Panginoon, na angkan ni Aaron at ang mga Levita, at pumili kayo ng sarili nʼyong mga pari gaya ng ginagawa ng ibang mga bansa. Sinuman sa inyo na may toro at pitong lalaking tupa ay maaaring italaga bilang pari ng inyong huwad na mga diyos.

10 "Ngunit kami, ang Panginoon ang aming Diyos, at hindi namin siya itinakwil. Ang mga paring naglilingkod sa Panginoon ay mga angkan ni Aaron, at tinutulungan sila ng mga Levita. 11 Tuwing umaga at gabi, naghahandog sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at insenso. Naglalagay sila ng tinapay sa mesa na itinuturing na malinis. At tuwing gabi, sinisindihan nila ang mga ilaw na nasa gintong mga patungan. Tinutupad namin ang mga utos ng Panginoon naming Diyos. Ngunit kayo, itinakwil nʼyo siya. 12 Ang Diyos ay kasama namin; siya ang pinuno namin. Patutunugin ng kanyang mga pari ang mga trumpeta nila sa pangunguna sa amin sa pakikipaglaban sa inyo. Mga mamamayan ng Israel, huwag kayong sumalungat laban sa Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno, dahil hindi kayo magtatagumpay."

13 Habang nagsasalita si Abias, lihim na nagsugo si Jeroboam ng mga sundalo sa likod ng mga taga-Juda upang tambangan sila. 14 Nang makita ng mga taga-Juda na nilulusob sila sa likuran at sa harapan, humingi sila ng tulong sa Panginoon. Pinatunog agad ng mga pari ang mga trumpeta, at 15 sumigaw nang malakas ang mga taga-Juda sa paglusob. Sa kanilang pagsigaw, tinalo ng Diyos si Jeroboam at ang mga sundalo ng Israel. Hinabol sila ni Abias at ng mga sundalo ng Juda. 16 Tumakas sila at ibinigay sila ng Diyos sa mga taga-Juda. 17 Marami ang napatay ni Abias at ng mga tauhan niya, 500,000 na matatapang na taga-Israel. 18 Kaya natalo ng mga taga-Juda ang mga taga-Israel, dahil nagtiwala sila sa Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.

19 Hinabol ni Abias si Jeroboam at inagaw niya rito ang mga bayan ng Betel, Jesana at Efron, at ang mga baryo sa paligid nito. 20 Hindi na mabawi ni Jeroboam ang kanyang kapangyarihan nang panahon ni Abias, at pinarusahan siya ng Panginoon at siyaʼy namatay.

21 Samantala, lalo pang naging makapangyarihan si Abias. May labing-apat siyang asawa at dalawampuʼt dalawang anak na lalaki at labing-anim na anak na babae.

22 Ang iba pang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Abias, ang kanyang mga sinabi at mga ginawa ay nakasulat sa Aklat ni Propeta Iddo.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-