Publicidade

2 Crônicas 4

Ang Kagamitan ng Templo

1 Nagpagawa rin si Solomon ng tansong altar na tatlumpung talampakan ang haba, tatlumpung talampakan ang lapad at labinlimang talampakan ang taas. 2 Nagpagawa rin siya ng malaking sisidlan na parang kawa na yari sa tanso, na tinatawag na Dagat. Ang lalim nito ay pitoʼt kalahating talampakan, ang luwang ay labinlimang talampakan, at ang sukat sa paligid ay apatnapuʼt limang talampakan. 3 Napapalibutan ito ng dalawang hanay ng mga palamuting hugis toro sa ilalim ng bibig nito, sampung toro sa bawat labingwalong pulgada. Ang mga palamuti ay kasama na nang gawin ito.

4 Nakapatong ang sisidlan sa likod ng labindalawang tansong toro na magkakatalikod. Ang tatlong toro ay nakaharap sa gawing hilaga, ang tatlo ay sa kanluran, ang tatlo ay sa timog, at ang tatlo ay sa gawing silangan. 5 Ang kapal ng sisidlan ay mga tatlong pulgada, at ang ilalim nito ay parang bibig ng tasang nakakurba palabas katulad ng namumukadkad na bulaklak ng liryo. At maaari itong malagyan ng 17,500 galong tubig.

6 Nagpagawa rin siya ng sampung palanggana para paghugasan ng mga kagamitan sa mga handog na sinusunog, lima dito ay inilagay sa gawing timog at ang lima ay sa gawing hilaga. Ngunit ang malaking sisidlang tinatawag na Dagat ay ginagamit ng mga pari na panghugas.

7 Nagpagawa rin siya ng sampung lalagyan ng ilaw na ginto ayon sa plano, at ipinalagay sa Templo, lima sa gawing hilaga at lima sa gawing timog.

8 Nagpagawa siya ng sampung mesa at ipinalagay sa Templo, lima sa gawing timog at lima sa gawing hilaga. Nagpagawa rin siya ng isang daang gintong mangkok na ginagamit sa pangwisik.

9 Nagpagawa rin siya ng bakuran ng mga pari at maluwang na bakuran sa labas. Pinagawan niya ng mga pintuan ang mga daanan papasok sa bakuran ng Templo at pinabalutan niya ng tanso. 10 Inilagay niya ang malaking sisidlan sa gawing timog-silangan ng Templo.

11 Nagpagawa rin siya ng mga palayok, mga pala, at mga mangkok na ginagamit na pangwisik.

Natapos ni Huram ang lahat ng ipinagawa sa kanya ni Haring Solomon para sa Templo ng Diyos. Ito ang kanyang mga ginawa:

12 ang dalawang haligi;

ang dalawang parang mangkok na ulo ng mga haligi;

ang dalawang magkadugtong na mga kadenang palamuti sa ulo ng mga haligi;

13 ang apatnaraang palamuting korteng pomegranata (nakakabit ang dalawang hilera nito sa bawat magkadugtong na mga kadenang nakapaikot sa ulo ng mga haligi);

14 ang mga kariton at mga planggana;

15 ang malaking sisidlan na tinatawag na Dagat at ang labindalawang toro sa ilalim nito;

16 ang mga palayok, mga pala, malalaking tinidor para sa karne, at ang iba pang kagamitan.

Ang lahat ng ito na ipinagawa ni Haring Solomon kay Huram na para sa Templo ng Panginoon ay gawa lahat sa pinakinang na tanso. 17 Ipinagawa ang mga ito ni Haring Solomon sa pamamagitan ng hulmahan na nasa Kapatagan ng Jordan, sa pagitan ng Sucot at Zereda. 18 Napakaraming tanso ang ginamit ni Solomon kaya hindi na kayang alamin ang eksaktong timbang nito.

19 Nagpagawa rin si Solomon ng mga kagamitang ito para sa Templo ng Diyos:

ang gintong altar,

ang mga gintong mesa na pinaglalagyan ng tinapay na inihahandog sa presensya ng Diyos,

20 ang mga patungan ng ilaw na purong ginto at ang mga ilawan nito na sinisindihan sa harapan ng Pinakabanal na Lugar ayon sa tuntunin tungkol dito,

21 ang palamuting bulaklak, ang mga ilawan at ang mga pang-ipit, na puro ginto lahat;

22 ang mga panggupit ng mitsa ng ilaw, mga mangkok na ginagamit sa pangwisik, mga sandok at mga sisidlan ng insenso na puro ginto rin lahat;

ang mga pintuan ng Templo at ang mga pintuan papasok sa Pinakabanal na Lugar, na nababalutan ng ginto.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-