Publicidade

2 Crônicas 19

1 Nang ligtas na nakabalik si Jehoshafat sa palasyo niya sa Jerusalem, 2 sinalubong siya ni Propeta Jehu na anak ni Hanani at sinabi, "Bakit tinulungan mo ang masama at inibig ang napopoot sa Panginoon? Dahil dito, nagalit ang Panginoon sa iyo. 3 Ngunit mayroon ding mabuti sa iyo. Inalis mo sa Juda ang mga posteng imahen ni Ashera at hinangad mo ang sumunod sa Diyos."

Pumili si Jehoshafat ng mga Hukom

4 Nakatira si Jehoshafat sa Jerusalem, pero pinupuntahan niya ang mga tao mula sa Beer-seba hanggang sa kaburulan ng Efraim upang hikayatin silang manumbalik sa Panginoon, ang Diyos ng kanilang ninuno. 5 Naglagay siya ng mga hukom sa bawat napapaderang lungsod ng Juda. 6 Sinabi niya sa kanila, "Mag-isip muna kayo ng mabuti bago kayo humatol dahil hindi kayo hahatol para sa tao kundi para sa Panginoon, na siyang sumasainyo sa tuwing magbibigay kayo ng hatol. 7 Gumalang kayo sa Panginoon, at humatol kayo nang mabuti dahil hindi pinapayagan ng Panginoon na ating Diyos ang kawalan ng katarungan, ang paghatol nang may kinikilingan, at ang pagtanggap ng suhol."

8 Naglagay din sa Jerusalem si Jehoshafat ng mga Levita, mga pari, at mga pinuno ng pamilya ng mga Israelita sa pagdinig ng mga kaso na may kinalaman sa kautusan ng Panginoon at mga alitan. At silaʼy tumira sa Jerusalem. 9 Ito ang utos niya sa kanila: "Kailangang maglingkod kayo nang tapat at buong puso, na may paggalang sa Panginoon. 10 Kung may kaso na dumating sa inyo mula sa mga kababayan ninyo sa kahit saang lungsod na may kinalaman sa pagpatay o paglabag sa mga utos at mga tuntunin, balaan nʼyo sila na huwag magkasala sa Panginoon dahil kung hindi, ipapataw niya ang kanyang galit sa inyo at sa kanila. Gawin nʼyo ito upang hindi kayo magkasala.

11 "Kung may mga kaso tungkol sa Panginoon na hindi nʼyo maayos, si Amarias na punong pari ang siyang mag-aayos nito. At kung may kaso tungkol sa gobyerno na hindi nʼyo maayos, si Zebadias na anak ni Ismael, na pinuno ng lahi ni Juda, ang siyang mag-aayos nito. Ang mga Levita ay tutulong sa inyo upang matiyak na mapapairal ang hustisya. Magpakatapang kayo sa paggawa ng inyong mga tungkulin. Nawaʼy samahan ng Diyos ang mga taong gumagawa ng matuwid."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_06-50-08-