1 Pinuspos ng Espiritu ng Diyos si Azarias na anak ni Oded. 2 Nakipagkita siya kay Asa at sinabi, "Pakinggan nʼyo po ako Haring Asa, at lahat kayong taga-Juda at taga-Benjamin. Mananatili ang Panginoon sa inyo habang nananatili kayo sa kanya. Kung dudulog kayo sa kanya, tutulungan niya kayo. Ngunit kung tatalikuran nʼyo siya, tatalikuran din niya kayo. 3 Sa mahabang panahon, namuhay ang mga Israelita na walang tunay na Diyos, walang paring nagtuturo sa kanila, at walang kautusan. 4 Ngunit sa kanilang paghihirap, dumulog sila sa Panginoon, ang Diyos ng Israel, at tinulungan niya sila. 5 Nang panahong iyon, mapanganib ang maglakbay dahil nagkakagulo ang mga tao. 6 Naglalaban-laban ang mga bansa at ang mga lungsod, dahil ginulo sila ng Diyos sa pamamagitan ng ibaʼt ibang mga kahirapan. 7 Ngunit kayo naman, magpakatapang kayo at huwag manghina dahil ang mga gawa ninyo ay gagantimpalaan."
8 Nang marinig ni Asa ang mensahe ni Azarias na anak ni Oded, nagpakatapang siya. Inalis niya ang kasuklam-suklam na mga diyos-diyosan sa buong Juda at Benjamin, at sa mga bayan na kanyang inagaw sa mababang bahagi ng Efraim. Ipinaayos niya ang altar ng Panginoon na nasa harapan ng balkonahe ng Templo ng Panginoon.
9 Pagkatapos, ipinatipon niya ang lahat ng mamamayan ng Juda at Benjamin, at ang mga mamamayan mula sa Efraim, Manases, at Simeon na nakatirang kasama nila. Maraming lumipat sa Juda mula sa Israel nang makita nilang si Asa ay sinasamahan ng Panginoon na kanyang Diyos.
10 Nagtipon sila sa Jerusalem noong ikatlong buwan nang ikalabinlimang taon ng paghahari ni Asa. 11 At sa oras na iyon, naghandog sila sa Panginoon ng mga hayop na kanilang nasamsam sa labanan, pitong daang baka at pitong libong tupa at kambing. 12 Gumawa sila ng kasunduan na dumulog sa Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, nang buong puso nilaʼt kaluluwa. 13 Ang sinumang hindi dumulog sa Panginoon, ang Diyos ng Israel ay papatayin, bata man o matanda, lalaki man o babae. 14 Nangako sila sa Panginoon sa malakas na tinig na may pagsasaya at pagpapatunog ng mga trumpeta at mga trumpeta. 15 Nagsaya ang lahat ng taga-Juda dahil nangako sila nang buong puso. Dumulog sila sa Panginoon nang taimtim sa kanilang puso, at tinulungan niya sila. At binigyan niya sila ng kapayapaan sa kanilang mga kalaban kahit saan.
16 Inalis din ni Haring Asa ang kanyang lolang si Maaca sa pagkareyna nito dahil gumawa ito ng karumal-dumal na mga posteng imahen ni Ashera. Ipinaputol ni Asa ang poste, ipinasibak ito, at ipinasunog sa Lambak ng Kidron. 17 Kahit hindi niya inalis ang mga sambahan sa matataas na lugar sa Israel, naging matapat pa rin si Asa sa Panginoon sa buong buhay niya. 18 Dinala niya sa Templo ng Panginoon ang mga pilak, ginto at iba pang mga bagay na inihandog niya at ng kanyang ama.
19 Hindi nagkaroon ng digmaan hanggang sa ikatatlumpuʼt limang taon ng paghahari ni Asa.