Publicidade

2 Crônicas 36

1 Ang anak ni Josias na si Jehoahaz ang ipinalit ng mga tao na hari sa Jerusalem. 2 Si Jehoahaz ay dalawampuʼt tatlong taóng gulang nang maging hari. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng tatlong buwan. 3 Tinanggal siya sa kanyang trono ni Haring Neco ng Ehipto, at pinagbayad ni Neco ang mga taga-Juda ng buwis na 3,500 kilong pilak at tatlumpuʼt limang kilong ginto. 4 Dinalang bihag ni Neco si Jehoahaz sa Ehipto, at ginawa niyang hari ng Juda at Jerusalem si Eliakim na kapatid ni Jehoahaz. Pinalitan niya ang pangalan ni Eliakim na Jehoiakim.

Ang Paghahari ni Jehoiakim sa Juda

5 Si Jehoiakim ay dalawampuʼt limang taóng gulang nang maging hari. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng labing-isang taon. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon na kanyang Diyos. 6 Nilusob siya ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia at kinadenahan, at dinala sa Babilonia. 7 Dinala rin ni Nebucadnezar sa Babilonia ang ibang mga kagamitan ng Templo ng Panginoon at inilagay sa kanyang palasyo.

8 Ang ibang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoiakim at ang mga kasuklam-suklam at masasamang bagay na ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel at Juda. At ang anak niyang si Jehoiakin ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Jehoiakin sa Juda

9 Si Jehoiakin ay labingwalong taóng gulang nang maging hari. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng tatlong buwan at sampung araw. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. 10 Sa pagsisimula ng taon, binihag ni Haring Nebucadnezar si Jehoiakin sa Babilonia. Pinagkukuha niya ang mga mamahaling ari-arian sa Templo ng Panginoon, at ginawa niyang hari ng Juda at Jerusalem ang tiyuhin ni Jehoiakin na si Zedequias.

Ang Paghahari ni Zedequias sa Juda

11 Si Zedequias ay dalawampuʼt isang taóng gulang nang maging hari. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng labing-isang taon. 12 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon na kanyang Diyos at hindi siya nagpakumbaba kay Jeremias na propeta ng Panginoon. 13 Nagrebelde rin siya kay Haring Nebucadnezar, kahit pinanumpa siya nito sa pangalan ng Diyos. Naging matigas ang puso ni Zedequias, at ayaw niyang manumbalik sa Panginoon, ang Diyos ng Israel. 14 Gayon din ang lahat ng punong pari at ang mga mamamayan ay lalong hindi naging tapat. Sinunod nila ang kasuklam-suklam na mga ginagawa ng ibang mga bansa at dinungisan ang Templo ng Panginoon na itinalagang banal sa Jerusalem.

Ang Pagkawasak ng Jerusalem

15 Palaging nakikipag-usap sa kanila ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, sa pamamagitan ng kanyang mga propeta, dahil naawa siya sa kanila at sa kanyang Templo. 16 Ngunit hinamak nila ang mga propeta ng Diyos, pinagtawanan, at binalewala ang kanilang mga mensahe. Kaya nagalit ang Panginoon sa kanila, at wala nang makakapigil sa kanya. 17 Ipinalusob niya ang mga taga-Babilonia sa kanila. Pinatay ng mga taga-Babilonia ang kanilang mga kabataang lalaki kahit sa Templo. Wala silang awa kahit kaninuman, lalaki man o babae, bata man o matanda, sakitin man o hindi. Ipinaubaya ng Diyos ang lahat niyang mamamayan kay Nebucadnezar. 18 Dinala ni Nebucadnezar sa Babilonia ang lahat ng kagamitan sa Templo ng Diyos, maliliit at malalaki, at ang lahat ng kayamanan ng Templo ng Panginoon, ng hari, at ng kanyang mga opisyal. 19 Pagkatapos, sinunog nila ang Templo ng Diyos at tinibag ang pader ng Jerusalem. Sinunog din nila ang lahat ng matitibay na bahagi ng lungsod, at giniba ang lahat ng mamahaling bagay.

20 Dinalang bihag ni Nebucadnezar sa Babilonia ang mga Israelita na hindi namatay, at ang mga ito ay naging alipin niya at ng kanyang mga anak hanggang sa naging makapangyarihan ang kaharian ng Persia. 21 Kaya natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Jeremias, na magiging mapanglaw ang lupain at makakapagpahinga ito sa loob ng pitumpung taon.

Hinayaan ni Ciro na Makabalik ang mga Israelita sa Kanilang Lupain

22 Noong unang taon ng paghahari ni Ciro sa Persia, tinupad ng Panginoon ang sinabi niya sa pamamagitan ni Jeremias. Hinipo niya ang puso ni Ciro upang gumawa ng isang pahayag. Isinulat ito at ipinadala sa kanyang buong kaharian.

23 Ito ang mensahe ni Haring Ciro ng Persia:

"Ibinigay sa akin ng Panginoon, ang Diyos ng langit, ang lahat ng kaharian dito sa mundo, at ipinagkatiwala niya sa akin ang pagpapatayo ng Templo para sa kanya roon sa Jerusalem na sakop ng Juda. Kayong lahat ng mamamayan ng Diyos, bumalik na kayo sa inyong lupain. At nawaʼy samahan kayo ng Panginoon."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_06-50-08-