1 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid sa Judea na tinanggap din ng mga Hentil ang salita ng Diyos. 2 Kaya pagbalik ni Pedro sa Jerusalem, tinuligsa siya ng mga mananampalatayang Hudyong naniniwala na kinakailangang magpatuli ng mga Hentil. 3 Sinabi nila kay Pedro, "Bakit ka tumuloy sa bahay ng mga hindi tuli at nakikain pa sa kanila?"
4 Kaya ipinaliwanag ni Pedro sa kanila ang buong pangyayari mula sa umpisa. 5 Sinabi niya, "Habang nananalangin ako sa lungsod ng Jopa, nawalan ako ng malay at may ipinakitang pangitain ang Diyos sa akin. Nakakita ako ng tila malapad na kumot na bumababa mula sa langit. May tali ito sa apat na sulok, at ibinababa sa kinaroroonan ko. 6 Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang lahat ng uri ng hayop, may lumalakad, kasama na rito ang mababangis, may gumagapang sa lupa, at may lumilipad. 7 At narinig ko ang boses na nagsasabi sa akin, ‘Pedro, tumayo ka! Magkatay ka at kumain.’
8 "Ngunit sumagot ako, ‘Panginoon, hindi ko magagawa iyan dahil ni minsaʼy hindi ako kumain ng marumi o ipinagbabawal na pagkain.’
9 "Pagkatapos, muling nagsalita ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang kahit na anong bagay na nilinis na ng Diyos.’ 10 Tatlong beses naulit ang pangyayaring ito, at pagkatapos ay hinila na papunta sa langit ang kumot.
11 "Nang mga oras ding iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko ang tatlong lalaki na galing sa Cesarea. Inutusan sila na sunduin ako. 12 Sinabi ng Espiritu sa akin na huwag akong mag-alinlangang sumáma sa kanila. At nang umalis na kami papunta sa bahay ni Cornelio sa Cesarea, sumáma sa akin itong anim na kapatid natin na taga-Jopa. 13 Pagdating namin doon, ikinuwento ni Cornelio sa amin na may nakita siyang anghel sa loob ng kanyang bahay na nagsabi sa kanya, ‘Magsugo ka ng susundo kay Simon na tinatawag na Pedro, doon sa Jopa. 14 Sasabihin niya sa iyo kung paano ka maliligtas at ang iyong buong sambahayan.’
15 "Nang magsimula akong magsalita, napuspos sila ng Banal na Espiritu tulad din ng nangyari sa atin noon. 16 At naalala ko ang sinabi ng Panginoong Hesus: ‘Nagbautismo si Juan sa tubig, ngunit babautismuhan kayo sa Banal na Espiritu.’ 17 Kaya ang nangyari sa kanila ay nagpapatunay na ang ibinigay ng Diyos sa ating mga Hudyo, nang sumampalataya tayo sa Panginoong Hesu-Kristo ay ibinigay din niya sa mga Hentil. At kung ganoon ang gusto ng Diyos, sino ba ako para hadlangan siya?"
18 Nang marinig ito ng mga kapatid na Hudyo, hindi na nila binatikos si Pedro, sa halip ay nagpuri sila sa Diyos. Sinabi nila, "Kung ganoʼn, ibinigay din ng Diyos sa mga Hentil ang pagkakataong magsisi upang silaʼy mabuhay."
19 Dahil sa pag-uusig na naranasan ng mga mananampalataya pagkatapos mamatay ni Esteban, nagkawatak-watak sila at napunta sa ibaʼt ibang lugar hanggang sa Fenicia, Cyprus, at Antioquia. Ipinapangaral nila ang Magandang Balita pero sa mga Hudyo lamang. 20 Ngunit ang ibang mananampalataya na taga-Cyprus at taga-Cirene ay pumunta sa Antioquia at nagsimulang mangaral ng Magandang Balita tungkol sa Panginoong Hesus maging sa mga Hentil. 21 Ang kapangyarihan ng Panginoon ay nasa kanila at marami ang sumampalataya at nagbalik-loob sa Panginoon.
22 Ang pangyayaring ito ay nabalitaan ng iglesya sa Jerusalem, kaya pinapunta nila si Bernabe sa Antioquia. 23 Pagdating niya doon, natuwa siya dahil nakita niya ang mga kabutihang ginawa ng Diyos sa mga tao roon. At pinayuhan niya sila na maging matapat at matatag sa kanilang pananampalataya sa Panginoon. 24 Mabuting tao si Bernabe, puspos ng Banal na Espiritu, at matatag ang pananampalataya kaya marami ang nahikayat na sumampalataya sa Panginoon.
25 Pagkatapos, pumunta si Bernabe sa Tarso para hanapin si Saulo. 26 Nang makita niya si Saulo, isinama niya ito pabalik sa Antioquia. At isang taon silang nakasama ng iglesya roon, at maraming tao ang kanilang tinuruan. Sa Antioquia unang tinawag na mga Kristiyano ang mga alagad.
27 Nang panahong iyon, may mga propeta sa Jerusalem na pumunta sa Antioquia. 28 Ang pangalan ng isa sa kanila ay Agabo. Tumayo siya at nagpahayag sa pamamagitan ng Espiritu na may darating na matinding taggutom sa buong mundo. (Nangyari ito sa panahon ni Claudio na Emperador ng Roma.) 29 Kaya nagpasya ang mga alagad sa Antioquia na ang bawat isa sa kanila ay magpapadala ng tulong sa mga kapatid sa Judea ayon sa kanilang makakaya. 30 Ipinadala nila ito sa pamamagitan nina Bernabe at Saulo upang ibigay sa mga pinuno ng iglesya sa Jerusalem.