Publicidade

Atos 4

Humarap sina Pedro at Juan sa Sanhedrin

1 Habang nagsasalita pa sina Pedro at Juan sa mga tao, nilapitan sila ng mga pari, ng kapitan ng mga guwardiya sa Templo, at ng mga Saduceo. 2 Lubhang nayamot ang mga ito dahil nangangaral ang dalawa na muling nabuhay si Hesus, at itoʼy nagpapatunay na muling mabubuhay ang mga patay. 3 Kaya dinakip nila sina Pedro at Juan, at dahil gabi na, ikinulong muna sila pansamantala hanggang mag-umaga. 4 Gayunman, marami sa mga nakarinig ng kanilang ipinangaral ang sumampalataya. Umabot sa limang libo ang bilang ng mga sumampalatayang lalaki.

5 Kinabukasan, nagtipon sa Jerusalem ang mga namamahalang pari, mga pinuno ng mga Hudyo at mga tagapagturo ng Kautusan. 6 Naroon si Anas na punong pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang iba pang kamag-anak ng punong pari. 7 Iniharap sa kanila sina Pedro at Juan at inusisa nila ang mga ito, "Sa anong kapangyarihan o kaninong pangalan ninyo ginawa ang bagay na ito?"

8 Si Pedro na puspos ng Banal na Espiritu ay sumagot, "Kayong mga namamahalang pari at mga pinuno ng mga Hudyo, 9 tinatanong ba ninyo kami dahil sa kabutihang ginawa namin sa lalaking lumpo? Nais nʼyo bang malaman kung paano siya gumaling? 10 Nais kong ipaalam sa inyong lahat at sa buong sambayanang Israel, na ang taong ito ay pinagaling sa pamamagitan ng pangalan ni Hesu-Kristo na taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus, ngunit muling binuhay ng Diyos. 11 Siya,

‘Ang batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo

ang siyang naging batong-panulukan.’

12 Walang sinuman ang makapagliligtas sa atin kundi siya lang, sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayoʼy maligtas."

13 Namangha ang mga miyembro ng Sanhedrin sa lakas ng loob nina Pedro at Juan, lalo na nang malaman nila na mga karaniwang tao lamang sila at hindi mataas ang pinag-aralan. At nabatid nilang silaʼy mga kasamahan ni Hesus noon. 14 Wala na silang masabi pa laban kina Pedro at Juan, dahil ang taong pinagaling ay nakatayo mismo sa tabi ng dalawa. 15 Kaya pinalabas muna nila sina Pedro at Juan sa kanilang pinagtitipunan at nag-usap-usap sila. 16 Sinabi nila, "Ano ang gagawin natin sa mga taong ito? Sapagkat kumalat na ang balita sa buong Jerusalem na nakagawa sila ng himala, at hindi na natin ito maitatanggi. 17 Ngunit upang hindi na kumalat ang ipinapangaral nila sa mga tao, pagbawalan natin silang magsalita kaninuman tungkol sa pangalang ito."

18 Ipinatawag nila sina Pedro at Juan at sinabihang huwag nang magsalita o magturo tungkol kay Hesus. 19 Ngunit sumagot sina Pedro at Juan, "Alin sa palagay ninyo ang tama sa paningin ng Diyos, ang sundin kayo o ang sundin siya? Kayo ang humusga! 20 Ngunit kami, hindi namin kayang tumigil sa pagpapahayag tungkol sa aming nakita at narinig."

21 Kaya lalo pa silang pinagbawalan nang mahigpit bago sila pinakawalan. Hindi sila magawang parusahan sapagkat lahat ng mga tao dooʼy nagpupuri sa Diyos dahil sa nangyaring himala, 22 ang pagpapagaling sa lalaking lumpo na mahigit nang apatnapung taóng gulang.

Nanalangin ang mga Mananampalataya

23 Nang pinakawalan na sina Pedro at Juan, bumalik sila sa kanilang mga kasamahan, at ibinalita kung ano ang sinabi sa kanila ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Hudyo. 24 Nang marinig nila iyon, nagkaisa silang nanalangin sa Diyos. Sinabi nila, "Panginoon na makapangyarihan sa lahat, ang lumikha ng langit at lupa, ng dagat, at ng lahat ng nasa mga ito, 25 nagsalita kayo sa pamamagitan ng aming ninunong si David na inyong lingkod. Sinabi niya sa patnubay ng Banal na Espiritu,

‘Bakit matindi ang galit ng mga bansa?

Bakit ang mga taoʼy gumagawa

ng mga planong wala namang patutunguhan?

26 Ang mga hari ng mundoʼy handa nang makipagdigma,

ang mga pinuno ay nagkaisa,

laban sa Panginoon,

at laban sa kanyang Mesias.’

27 Iyon nga ang mismong nangyari dito sa Jerusalem. Nagkaisa sina Herodes Antipas at Gobernador Poncio Pilato, kasama ang mga Hentil at ang mga Israelita, laban sa inyong banal na lingkod na si Hesus na inyong hinirang. 28 Sa kanilang ginawa, natupad na ang itinakda ninyo noon. At itoʼy nangyari ayon sa inyong kapangyarihan at kalooban. 29 At ngayon, Panginoon, tingnan nʼyo po kung paano nila kami pagbantaan. Tulungan nʼyo po kami na inyong mga lingkod na maging matapang sa pangangaral ng inyong salita. 30 Ipakita nʼyo po ang inyong kapangyarihan na magpagaling at gumawa ng mga tanda at kababalaghan sa pangalan ng inyong banal na lingkod na si Hesus."

31 Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang lugar kung saan sila nagkakatipon. Lahat silaʼy napuspos ng Banal na Espiritu at ipinahayag nang buong tapang ang salita ng Diyos.

Nagtutulungan ang mga Mananampalataya

32 Nagkaisa ang mga mananampalataya sa damdamin at isipan. Itinuring ng bawat isa na ang kanilang mga ari-arian ay hindi lang para sa kanilang sarili kundi para sa lahat. 33 Nagpatotoo nang may kapangyarihan ang mga apostol na ang Panginoong Hesus ay muling nabuhay. At sumakanilang lahat ang dakilang biyaya ng Diyos. 34 Wala ni isa sa kanila ang kinakapos, dahil ipinagbibili ng mga may lupa o bahay ang kani-kanilang ari-arian, 35 at ang pinagbilhan ay ipinagkakatiwala nila sa mga apostol upang ipamahagi sa bawat isa ayon sa kanilang pangangailangan.

36 Ganoon din ang ginawa ni Jose na isang Levitang ipinanganak sa Cyprus. Tinatawag siya ng mga apostol na Bernabe (na ang ibig sabihin ay "Tagapagpalakas ng Loob"). 37 Ipinagbili ni Jose ang kanyang lupa at ibinigay ang pera sa mga apostol.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-