1 Pagkatapos noon, umalis si Pablo sa Atenas at pumunta sa Corinto. 2 Nakilala niya roon si Aquila na isang Hudyo na taga-Ponto, at ang asawa nitong si Priscila. Kararating lang nila galing sa Italya, dahil may utos si Emperador Claudio na ang lahat ng Hudyo ay dapat umalis sa Roma. Dinalaw ni Pablo ang mag-asawang ito sa kanilang bahay. 3 Kapwa sila manggagawa ng tolda, kaya nakitira na siya sa kanila at nagtrabahong kasama nila. 4 Tuwing Araw ng Pamamahinga pumupunta si Pablo sa sinagoga upang makipagdiskusyon, dahil gusto niyang hikayatin ang mga Hudyo at mga Griyego na sumampalataya kay Kristo.
5 Nang dumating sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, ginamit ni Pablo ang buong panahon niya sa pangangaral ng salita ng Diyos. Pinatunayan niya sa mga Hudyo na si Hesus ang Mesias. 6 Ngunit nang kontrahin at insultuhin nila si Pablo, ipinagpag niya ang alikabok sa kanyang damit at binalaan sila, "Kasalanan na ninyo kung mapahamak kayo. Wala na akong pananagutan sa inyo. Simula ngayon, sa mga Hentil na ako mangangaral."
7 Kaya iniwan niya ang mga Hudyo at doon siya nakituloy sa bahay ni Ticio Justo. Ang taong ito ay isang Hentil, ngunit sumasamba sa Diyos. Ang bahay niya ay katabi ng sinagoga. 8 Si Crispo na namumuno sa sinagoga at ang kanyang pamilya ay sumampalataya rin sa Panginoon; at marami pang mga taga-Corinto na nakinig kay Pablo ang sumampalataya at nagpabautismo.
9 Isang gabi, nagpakita ang Panginoon kay Pablo sa pamamagitan ng pangitain at sinabi, "Huwag kang matakot. Ipagpatuloy mo ang pangangaral at huwag kang titigil, 10 dahil kasama mo ako. Marami akong alagad sa lungsod na ito, kaya walang mangangahas na manakit sa iyo." 11 Kaya nanatili si Pablo sa Corinto sa loob ng isaʼt kalahating taon, at itinuro niya sa mga tao ang salita ng Diyos.
12 Ngunit nang si Galio na ang gobernador ng Acaya, nagkaisa ang mga Hudyo laban kay Pablo. Hinuli nila siya at dinala kay Galio upang mahatulan. 13 Sinabi nila, "Hinihikayat ng lalaking ito ang mga tao na sumamba sa Diyos sa paraang labag sa kautusan."
14 Magsasalita na sana si Pablo, ngunit nagsalita si Galio sa mga Hudyo, "Kung ang kasong ito na dinala ninyo sa akin ay tungkol sa isang krimen o mabigat na kasalanan, makikinig ako sa inyo. 15 Subalit dahil tungkol lamang ito sa mga salita, mga pangalan, at sa inyong kautusan, kayo na ang bahalang umayos niyan. Ayaw kong humatol sa ganyang mga bagay." 16 At pinalabas niya sila sa korte. 17 Pagkatapos, hinuli ng mga Griyego si Sostenes na namumuno sa sinagoga at binugbog nila doon sa labas ng korte, ngunit hindi ito pinansin ni Galio.
18 Nanatili pa si Pablo nang ilang araw sa Corinto. Pagkatapos, nagpaalam siya sa mga kapatiran at pumunta sa Cencrea kasama ang mag-asawang Priscila at Aquila. Inahit niya ang kanyang buhok upang tuparin ang panata niya sa Diyos. Mula sa Cencrea naglayag sila papuntang Siria. 19 Dumaan sila sa Efeso at dooʼy iniwan niya sina Priscila at Aquila. Pumasok si Pablo sa sinagoga at nakipagdiskusyon sa mga Hudyo. 20 Kinausap nila si Pablo na manatili muna roon sa kanila, ngunit tumanggi si Pablo. 21 Bago siya umalis, sinabi niya sa kanila, "Kung loloobin ng Diyos, babalik ako rito." At naglayag siya mula sa Efeso. 22 Pagdating niya sa Cesarea, pumunta siya sa Jerusalem at dinalaw ang iglesya, at saka tumuloy sa Antioquia.
23 Hindi siya nagtagal doon, umalis siya at inikot niya ang mga lugar na sakop ng Galacia at Frigia at pinalakas niya ang pananampalataya ng mga alagad doon.
24 Samantala, dumating sa Efeso ang isang Hudyong taga-Alejandria. Ang kanyang pangalan ay Apolos. Mahusay siyang magsalita at maraming nalalaman sa Kasulatan. 25 Naturuan na siya tungkol sa daan ng Panginoon. Maalab siyang nagpapahayag at tama ang kanyang itinuturo tungkol kay Hesus. Ngunit ang bautismo lamang na itinuro ni Juan ang alam niya. 26 Nagsimula siyang magpahayag sa sinagoga ng buong tapang. Nang marinig nina Priscila at Aquila ang kanyang itinuturo, isinama nila siya at ipinaliwanag nang mabuti sa kanya ang daan ng Diyos.
27 At nang magpasya si Apolos na pumunta sa Acaya, tinulungan siya ng mga mananampalataya sa Efeso. Sumulat sila sa mga alagad sa Acaya na tanggapin nila si Apolos. Pagdating niya roon, malaki ang naitulong niya sa mga naging mananampalataya dahil sa biyaya ng Diyos. 28 At tinalo niya nang husto ang mga Hudyo sa kanilang mga diskusyon sa harap ng madla, at pinatunayan sa kanila mula sa Kasulatan na si Hesus ang Mesias.