Publicidade

Atos 20

Ang Pagpunta ni Pablo sa Macedonia at Gresya

1 Nang matapos na ang gulo, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad. Pinayuhan niya sila na magpakatatag, at pagkatapos niyang magpaalam sa kanila, pumunta siya sa Macedonia. 2 Pinuntahan niya ang maraming lugar sa Macedonia, at pinalakas niya ang loob ng mga mananampalataya sa pamamagitan ng pangangaral sa kanila. Pagkatapos, pumunta siya sa Gresya, 3 at nanatili siya roon ng tatlong buwan. Nang maglalayag na sana siya papuntang Siria, nalaman niyang plano ng mga Hudyo na patayin siya. Kaya nagpasya siyang bumalik at sa Macedonia dumaan. 4 Sumama sa kanya si Sopater na taga-Berea na anak ni Pirro, sina Aristarco at Segundo na mga taga-Tesalonica, si Gayo na taga-Derbe, si Timoteo, at sina Tiquico at Trofimo na mga taga-Asia. 5 Nauna sila sa Troas at hinintay nila kami doon. 6 Pinalampas muna namin ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa bago kami bumiyahe galing sa Filipos. Pagkatapos ng limang araw na paglalakbay, nakarating kami at nagkita-kita muli sa Troas kung saan kami nanatili ng pitong araw.

Binuhay mula sa mga Patay si Eutico

7 Pagsapit ng unang araw ng linggo, nagtipon kami sa pagpira-piraso ng tinapay upang gunitain ang Panginoon. At dahil maglalakbay si Pablo kinabukasan, nangaral siya hanggang hatinggabi. 8 Maraming ilaw sa itaas ng silid na pinagtitipunan namin. 9 May isang binata roon na ang pangalan ay Eutico na nakaupo sa bintana. At dahil sa haba ng pagsasalita ni Pablo, inantok siya at nakatulog nang mahimbing, at nahulog siya sa bintana mula sa ikatlong palapag. Patay na siya nang buhatin nila. 10 Bumaba si Pablo at dinapaan niya si Eutico at niyakap. Sinabi niya sa mga tao, "Huwag kayong mabahala, buháy siya!" 11 At bumalik si Pablo sa itaas, pinagpira-piraso ang tinapay at kumain. Nagpatuloy siya sa pangangaral hanggang mag-umaga at saka siya umalis. 12 Ang binatang nahulog ay iniuwi nilang buháy, at lubos silang natuwa.

Ang Pamamaalam ni Pablo sa mga Pinuno ng Efeso

13 Naglayag kami papuntang Asos at doon na namin susunduin si Pablo na naglakad lang papunta doon. 14 Nang magkita kami sa Asos, pinasakay namin siya at naglayag kami patungong Mitilene. 15 Mula sa Mitilene, tumuloy kami sa Quio, at nakarating kami roon kinabukasan. Nang sumunod na araw, nasa Samos na kami, at makaraan ang isa pang araw ay narating namin ang Mileto. 16 Hindi kami dumaan sa Efeso, dahil ayaw ni Pablo na maglaan ng oras sa lalawigan ng Asia. Nagmamadali siya dahil gusto niyang makarating sa Jerusalem bago dumating ang Araw ng Pentecostes.

17 Habang nasa Mileto si Pablo, may pinapunta siya sa Efeso para sabihin sa mga pinuno ng iglesya na makipagkita sa kanya. 18 Pagdating nila, sinabi ni Pablo sa kanila, "Alam ninyo kung paano akong namuhay noong kasama pa ninyo ako, mula sa unang araw pa lang nang pagdating ko sa lalawigan ng Asia. 19 Naglingkod ako sa Panginoon nang may pagpapakumbaba at pagluha sa gitna ng matinding pagsubok mula sa plano ng mga kalaban kong Hudyo. 20 Alam din ninyong wala akong inilihim sa inyo sa aking pagtuturo tungkol sa mga bagay na para sa inyong ikakabuti, na itinuro ko sa publiko at sa bahay-bahay. 21 Pinaalalahanan ko ang mga Hudyo at mga Hentil na kailangan nilang magsisi sa kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Diyos, at sumampalataya sa ating Panginoong Hesus."

22 "Ngayon, pupunta ako sa Jerusalem dahil ito ang utos ng Espiritu sa akin. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon. 23 Ang alam ko lang, kahit saang lungsod ako pumunta, pinapaalalahanan ako ng Banal na Espiritu na bilangguan at pag-uusig ang naghihintay sa akin. 24 Ngunit hindi mahalaga sa akin kung ano man ang mangyayari sa aking buhay; nais ko lamang na matapos ang gawaing ibinigay sa akin ng Panginoong Hesus, na maipangaral ang Magandang Balita tungkol sa biyaya ng Diyos.

25 "Napuntahan ko kayong lahat sa aking pangangaral tungkol sa kaharian ng Diyos, at ngayon alam kong hindi na tayo magkikita pang muli. 26 Kaya sinasabi ko sa inyo ngayon, na kung mayroon sa inyong mapapahamak, wala na akong pananagutan sa Diyos. 27 Sapagkat wala akong inilihim sa inyo sa aking pagtuturo tungkol sa buong layunin at plano ng Diyos. 28 Bantayan ninyo ang inyong sarili at ang mga mananampalatayang itinalaga ng Banal na Espiritu sa inyong pangangasiwa. Pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos na kanyang tinubos sa pamamagitan ng sarili niyang dugo. 29 Sapagkat alam kong sa pag-alis koʼy may mga tagapagturo diyan na katulad ng mga lobo na papasok sa inyo at sisira sa inyong grupo. 30 Darating din ang panahon na may magtuturo ng kasinungalingan mula mismo sa inyong grupo at ililigaw nila ang mga alagad. 31 Kaya mag-ingat kayo, at alalahanin ninyong sa loob ng tatlong taon, walang tigil ko kayong pinaalalahanan araw at gabi, nang may pagluha.

32 "At ngayon, ipinagkakatiwala ko kayo sa Diyos at sa mensahe ng kanyang biyaya na magpapatibay sa inyong pananampalataya at magbibigay ng lahat ng pagpapalang inilaan ng Diyos para sa lahat ng taong hinirang niya. 33 Hindi ko hinangad ang inyong mga kayamanan at mamahaling mga damit. 34 Alam ninyong nagtrabaho ako upang matustusan ang mga pangangailangan namin ng aking mga kasamahan. 35 Ginawa ko ito para maipakita sa inyo na sa ganitong pagsusumikap ay matutulungan natin ang mga mahihina. Palagi nating alalahanin ang sinabi ng Panginoong Hesus na mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap."

36 Pagkatapos magsalita ni Pablo, lumuhod siyang kasama nila at nanalangin. 37 Umiyak silang lahat, at niyakap nila si Pablo at hinalikan. 38 Labis nilang ikinalungkot ang sinabi ni Pablo na hindi na sila magkikitang muli. Pagkatapos, inihatid nila si Pablo sa barko.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-18_14-04-22-