1 Ganito din ang nangyari sa Iconio. Pumunta sina Pablo at Bernabe sa sinagoga at nangaral nang may kapangyarihan kung kayaʼt maraming Hudyo at Griyego ang sumampalataya kay Hesus. 2 Ngunit mayroon ding mga Hudyo na hindi sumampalataya. Nilason nila ang isip ng mga Hentil, at sinulsulang kalabanin ang mga mananampalataya. 3 Kaya, matagal-tagal na panahon din ang ginugol nina Pablo at Bernabe doon sa Iconio at matapang silang nangaral ng salita ng Panginoon. Pinatunayan ng Panginoon na totoo ang kanilang mensahe patungkol sa kanyang kagandahang-loob. Makikita ito sa ibinigay niyang kapangyarihan sa kanila na gumawa ng mga tanda at kababalaghan. 4 Kaya nahati ang mga tao sa lungsod na iyon; ang ibaʼy kumampi sa mga Hudyong hindi mananampalataya, at ang iba namaʼy sa mga apostol. 5 Binalak ng ilang mga Hudyo at mga Hentil, kasama ang kanilang mga pinuno, na saktan at batuhin ang mga apostol. 6 Nang malaman ng mga apostol ang planong iyon, agad silang umalis at nagtungo sa rehiyon ng Licaonia, sa mga bayan ng Listra at Derbe at sa mga lugar sa paligid ng mga ito. 7 Ipinangaral nila roon ang Magandang Balita.
8 May isang lalaki sa Listra na lumpo mula nang ipinanganak. 9 Nakinig siya sa mga mensahe ni Pablo. Tinitigan ni Pablo ang lumpo at nakita niyang may pananampalataya ito na gagaling siya. 10 Kaya malakas niyang sinabi, "Tumayo ka!" Biglang tumayo ang lalaki at naglakad-lakad.
11 Nang makita ng mga tao ang ginawa ni Pablo, sumigaw sila sa wikang Licaonia, "Bumaba ang mga diyos dito sa atin at nagkatawang-tao!" 12 Tinawag nilang Zeus si Bernabe, at Hermes naman si Pablo dahil siya ang mismong tagapagsalita. 13 Ang templo ng kanilang diyos na si Zeus ay malapit lang sa labas ng lungsod. Kaya nagdala ang pari ni Zeus ng mga torong may kuwintas na bulaklak doon sa pintuan ng lungsod. Gusto niya at ng mga tao na ihandog ito sa mga apostol.
14 Ngunit nang malaman iyon ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang damit at tumakbo sila sa gitna ng mga tao at sumigaw, 15 "Mga kaibigan, bakit kayo maghahandog sa amin? Tao lang din kaming katulad ninyo. Ipinangangaral namin sa inyo ang Magandang Balita upang talikuran na ninyo ang mga walang kuwentang diyos na iyan at lumapit sa Diyos na buháy. Siya ang lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng bagay na narito. 16 Noon, hinayaan ng Diyos ang mga tao na sumunod sa gusto nila. 17 Ngunit hindi nagkulang ang Diyos sa pagpapakilala ng kanyang sarili sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang mabubuting gawa. Binibigyan niya kayo ng ulan at mga ani sa takdang panahon. Masaganang pagkain ang ibinibigay niya sa inyo upang masiyahan kayo." 18 Subalit kahit ganito ang sinasabi ng mga apostol, nahirapan pa rin silang pigilan ang mga tao na maghandog sa kanila.
19 May mga Hudyong dumating na nagmula sa Antioquia at Iconio na nakakumbinsi sa mga tao na kumampi sa kanila. Pinagbabato nila si Pablo at hinila palabas ng lungsod sa pag-aakalang patay na siya. 20 Ngunit nang paligiran siya ng mga alagad ni Hesus, bumangon siya at bumalik sa lungsod. Kinabukasan, pumunta silang dalawa ni Bernabe sa Derbe.
21 Ipinangaral nina Pablo at Bernabe ang Magandang Balita sa Derbe at marami silang nahikayat na maging alagad ni Hesu-Kristo. Pagkatapos, bumalik na naman sila sa Listra, Iconio, at sa Antioquia na sakop ng Pisidia. 22 Pinatatag nila ang loob ng mga alagad ni Hesus at pinayuhang magpatuloy sa kanilang pananampalataya. Sinabi pa nila, "Maraming paghihirap ang daranasin natin bago tayo makapasok sa kaharian ng Diyos." 23 Pumili sina Pablo at Bernabe ng mga mamumuno sa bawat iglesya. Nag-ayuno sila at nanalangin para sa mga napili, at ipinagkatiwala nila ang mga ito sa Panginoon na kanilang pinananaligan. 24 Pagkatapos, dumaan sila sa Pisidia at dumating sa Pamfilia. 25 Nangaral sila roon sa Perga at pagkatapos ay bumaba sila sa Atalia.
26 Mula roon, bumiyahe sila pabalik sa Antioquia na sakop ng Siria, kung saan silaʼy ipinagkatiwala sa biyaya ng Diyos para sa gawaing natapos na nila. 27 Nang dumating sina Pablo at Bernabe sa Antioquia, tinipon nila ang mga mananampalataya at isinalaysay nila ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong binuksan ng Diyos ang pintuan upang sumampalataya ang mga Hentil. 28 At nanatili sila nang matagal sa Antioquia kasama ang mga alagad doon.