5 Kaya nanatili si Pedro sa bilangguan ngunit ang iglesya namaʼy nananalangin sa Diyos ng taimtim para sa kanya.
6 Noong gabi bago siya iharap ni Herodes sa mga tao upang litisin, natutulog si Pedro na nakagapos ng kadena sa magkabilang braso, isa para sa bawat sundalong nasa kanan at kaliwa niya. Mayroon pang mga guwardiyang nakabantay sa pintuan ng bilangguan. 7 Walang anu-anoʼy biglang nagliwanag sa loob ng bilangguan at nagpakita ang isang anghel ng Panginoon. Tinapik niya sa tagiliran si Pedro para magising, at sinabi, "Dali, bumangon ka!" At natanggal ang mga kadena sa kanyang mga kamay.
8 Sinabi ng anghel, "Magbihis ka at isuot mo ang iyong sandalyas." At ganoon nga ang ginawa ni Pedro. Sinabi pa ng anghel sa kanya, "Magbalabal ka at sumunod sa akin." 9 At sumunod nga siya sa anghel palabas ng bilangguan. Hindi alam ni Pedro kung totoo ang nangyayari. Ang akala niyaʼy nananaginip lang siya. 10 Dinaanan lang nila ang una at ang pangalawang grupo ng mga guwardiya. Pagdating nila sa pintuang bakal na patungo sa loob ng lungsod, kusa itong bumukas kaya lumabas sila. Paglampas nila sa isang kalye, bigla na lang siyang iniwan ng anghel.
11 Saka lang napagtanto ni Pedro na hindi pala siya nananaginip. Sinabi niya, "Totoo pala talagang ipinadala ng Panginoon ang kanyang anghel, at iniligtas niya ako sa kamay ni Herodes at sa lahat ng inaasahan ng mga Hudyo na mangyayari sa akin."
12 Nang maunawaan niya ang nangyari, pumunta siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan na tinatawag ding Marcos. Maraming tao ang nagkakatipon doon para manalangin.