Sa Corinto
1 Pagkatapos noon, umalis si Pablo sa Atenas at pumunta sa Corinto. 2 Nakilala niya roon si Aquila na isang Hudyo na taga-Ponto, at ang asawa nitong si Priscila. Kararating lang nila galing sa Italya, dahil may utos si Emperador Claudio na ang lahat ng Hudyo ay dapat umalis sa Roma. Dinalaw ni Pablo ang mag-asawang ito sa kanilang bahay. 3 Kapwa sila manggagawa ng tolda, kaya nakitira na siya sa kanila at nagtrabahong kasama nila. 4 Tuwing Araw ng Pamamahinga pumupunta si Pablo sa sinagoga upang makipagdiskusyon, dahil gusto niyang hikayatin ang mga Hudyo at mga Griyego na sumampalataya kay Kristo.
5 Nang dumating sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, ginamit ni Pablo ang buong panahon niya sa pangangaral ng salita ng Diyos. Pinatunayan niya sa mga Hudyo na si Hesus ang Mesias. 6 Ngunit nang kontrahin at insultuhin nila si Pablo, ipinagpag niya ang alikabok sa kanyang damit at binalaan sila, "Kasalanan na ninyo kung mapahamak kayo. Wala na akong pananagutan sa inyo. Simula ngayon, sa mga Hentil na ako mangangaral."
7 Kaya iniwan niya ang mga Hudyo at doon siya nakituloy sa bahay ni Ticio Justo. Ang taong ito ay isang Hentil, ngunit sumasamba sa Diyos. Ang bahay niya ay katabi ng sinagoga. 8 Si Crispo na namumuno sa sinagoga at ang kanyang pamilya ay sumampalataya rin sa Panginoon; at marami pang mga taga-Corinto na nakinig kay Pablo ang sumampalataya at nagpabautismo.
9 Isang gabi, nagpakita ang Panginoon kay Pablo sa pamamagitan ng pangitain at sinabi, "Huwag kang matakot. Ipagpatuloy mo ang pangangaral at huwag kang titigil, 10 dahil kasama mo ako. Marami akong alagad sa lungsod na ito, kaya walang mangangahas na manakit sa iyo." 11 Kaya nanatili si Pablo sa Corinto sa loob ng isaʼt kalahating taon, at itinuro niya sa mga tao ang salita ng Diyos.