12 Ngunit nang si Galio na ang gobernador ng Acaya, nagkaisa ang mga Hudyo laban kay Pablo. Hinuli nila siya at dinala kay Galio upang mahatulan. 13 Sinabi nila, "Hinihikayat ng lalaking ito ang mga tao na sumamba sa Diyos sa paraang labag sa kautusan."
14 Magsasalita na sana si Pablo, ngunit nagsalita si Galio sa mga Hudyo, "Kung ang kasong ito na dinala ninyo sa akin ay tungkol sa isang krimen o mabigat na kasalanan, makikinig ako sa inyo. 15 Subalit dahil tungkol lamang ito sa mga salita, mga pangalan, at sa inyong kautusan, kayo na ang bahalang umayos niyan. Ayaw kong humatol sa ganyang mga bagay." 16 At pinalabas niya sila sa korte. 17 Pagkatapos, hinuli ng mga Griyego si Sostenes na namumuno sa sinagoga at binugbog nila doon sa labas ng korte, ngunit hindi ito pinansin ni Galio.