Nangaral si Pedro sa mga Tao
14 Kaya tumayo si Pedro kasama ang Labing-isa, at nagsalita nang malakas sa mga taong nandoon, "Mga kababayan kong mga Hudyo, at kayong lahat na nakatira sa Jerusalem, makinig kayong mabuti sa akin, dahil ipapaliwanag ko kung ano ang ibig sabihin ng mga pangyayaring ito. 15 Hindi lasing ang mga taong ito gaya ng inaakala ninyo, dahil alas nuwebe pa lang ng umaga. 16 Ang pangyayaring itoʼy katuparan ng ipinahayag ni Propeta Joel noon:
17 ‘Sinabi ng Diyos, "Sa mga huling araw,
ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao.
Ang inyong mga anak na lalaki at babae
ay magpapahayag ng mga propesiya;
ang inyong mga binata
ay makakakita ng mga pangitain;
at ang inyong matatandang lalaki
ay magkakaroon ng mga panaginip.
18 Oo, sa mga araw na iyon,
ibubuhos ko ang aking Espiritu sa aking mga lingkod,
maging lalaki man o babae,
at magpapahayag sila ng mga propesiya.
19 Magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit
at mga tanda sa lupa
sa pamamagitan ng dugo, apoy, at makapal na usok.
20 Magdidilim ang araw,
at magkukulay-dugo ang buwan.
Mangyayari ito bago dumating
ang dakila at kamangha-manghang araw ng Panginoon.
21 Ngunit ang sinumang tatawag sa ngalan ng Panginoon
ay maliligtas." ’2:21 Joel 2:28-32.
22 "Mga kababayan kong Israelita, makinig kayo sa akin! Pinatotohanan ng Diyos sa inyo na si Hesus na taga-Nazaret ay sinugo niya nang gumawa siya ng mga himala, kababalaghan, at tanda sa pamamagitan ni Hesus – alam na alam nʼyo ito dahil naganap ang lahat ng ito sa kalagitnaan ninyo. 23 Itong si Hesus, na sa simula paʼy ipinasya na ng Diyos na ibibigay sa inyo, ayon sa kanyang plano, ay inyong ipinapatay sa mga makasalanang taong nagpako sa kanya sa krus. 24 Ngunit pinalaya siya ng Diyos sa pagdurusa at muling binuhay, dahil ang totoo, kahit ang gapos ng kamatayan ay hindi siya kayang pigilan. 25 Ito ang sinabi ni David patungkol sa kanya:
‘Alam kong ang Panginoon ay palagi kong kasama
at hindi niya ako pinapabayaan,
kaya hindi ako nangangamba.
26 Kaya ang puso koʼy nagagalak,
at hindi mapigil ang aking pagpupuri sa Diyos.
At ang katawan koʼy mahihimlay na may pag-asa.
27 Sapagkat alam ko pong
hindi nʼyo ako pababayaan
sa mundo ng mga patay.2:27 mundo ng mga patay: Sa literal, Hades. Ganito rin sa talata 31|ACT 2:31.
Hindi nʼyo rin hahayaang mabulok
ang inyong Banal na Lingkod.
28 Itinuro nʼyo sa akin
ang landas patungo sa buhay,
at dahil kayo ay palagi kong kasama,
lubos ang aking kaligayahan.’2:28 Salmo 16:8-11. Ito ay hango sa saling Septuagint.
29 "Mga kababayan, malinaw na hindi tinutukoy ng ating ninunong si David ang kanyang sarili, dahil namatay siya at inilibing, at hanggang ngayon ay alam natin kung saan siya nakalibing. 30 Si David ay propeta at alam niyang nangako ang Diyos sa kanya na ang isa sa kanyang mga lahi ay magmamana ng kanyang trono. 31 At dahil alam niya kung ano ang mangyayari, ipinahayag niya ang muling pagkabuhay ng Mesias2:31 Mesias: Sa Griyego, Kristo., na hindi siya pinabayaan sa mundo ng mga patay at hindi nabulok ang kanyang katawan. 32 Siyaʼy walang iba kundi si Hesus na muling binuhay ng Diyos, at kaming lahat ay saksi rito. 33 Iniluklok siya sa kanan ng Diyos,2:33 Iniluklok siya sa kanan ng Diyos: Ang ibig sabihin, "pinaupo siya sa pinakamataas na posisyon." at tinanggap niya mula sa Ama ang Banal na Espiritung ipinangako sa kanya. Ibinuhos naman niya sa amin ang Banal na Espiritu na siyang nakikita at naririnig ninyo ngayon. 34 Sapagkat hindi si David ang umakyat sa langit, ngunit sinabi niya,
‘Wika ng Panginoon sa aking Panginoon2:34 Panginoon: Sa Griyego, Kurios, na ang ibig sabihin ay "Panginoon" o "Amo".:
"Umupo ka rito sa aking kanan
35 hanggang sa gawin kong iyong apakan
ang iyong mga kalaban." ’2:35 Salmo 110:1.
36 "Kaya ngayon, dapat talagang malaman ng lahat ng Israelita na itong si Hesus na ipinapako nʼyo sa krus ang itinalaga ng Diyos na Panginoon at Mesias."
37 Nang marinig iyon ng mga tao, tumagos ito sa kanilang puso. Kaya sinabi nila kay Pedro at sa ibang mga apostol, "Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?"
38 Sumagot si Pedro sa kanila, "Magsisi kayo at tumalikod sa inyong mga kasalanan, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Hesu-Kristo, upang mapatawad ang inyong mga kasalanan. At matatanggap ninyo ang regalo ng Diyos na walang iba kundi ang Banal na Espiritu. 39 Sapagkat ang pangakong ito ay para sa inyo, para sa inyong mga anak, at maging sa lahat ng taong nasa malayo – sa lahat ng tatawagin ng Panginoon nating Diyos."
40 Marami pang ipinahayag si Pedro upang patunayan sa kanila ang kanyang sinabi. At pinakiusapan niya sila, "Iligtas ninyo ang inyong sarili sa suwail na henerasyong ito." 41 Marami ang naniwala sa kanyang mensahe at nagpabautismo agad sila. Sa araw na iyon, mga tatlong libong tao ang nadagdag sa kanila.