Pinagaling ni Pedro ang Isang Pulubing Lumpo
1 Isang araw, bandang alas tres ng hapon, pumunta sina Pedro at Juan sa Templo. Oras noon ng pananalangin. 2 Samantala, may isang lalaking lumpo mula pagkasilang ang buhat-buhat papuntang Templo. Araw-araw siyang dinadala sa pintuang tinatawag na Maganda, para makapanglimos sa mga taong pumapasok sa Templo. 3 Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasók, humingi siya ng limos. 4 Tinitigan siya nina Pedro at Juan. Pagkatapos, sinabi ni Pedro sa kanya, "Tumingin ka sa amin." 5 Tumingin ang lalaki sa kanila na naghihintay na malimusan.
6 Ngunit sinabi ni Pedro sa kanya, "Wala ako ni isang kusing3:6 kusing: Sa literal, pilak o ginto.. Ngunit ibibigay ko saʼyo kung anoʼng mayroon ako. Sa pangalan ni Hesu-Kristo na taga-Nazaret, tumayo ka at lumakad!" 7 At hinawakan ni Pedro ang kanang kamay nito upang tulungang tumayo. Biglang lumakas ang kanyang mga paa at bukong-bukong. 8 Palukso siyang tumayo at nagsimulang maglakad-lakad. Pagkatapos, pumasok siya sa Templo kasama nina Pedro at Juan habang palakad-lakad at patalon-talon na nagpupuri sa Diyos. 9 Nakita siya ng lahat ng tao roon na naglalakad at nagpupuri sa Diyos. 10 Nang mapansin nila na siya pala iyong palaging nakaupo at namamalimos doon sa pintuan ng Templo na tinatawag na Maganda, lubos silang namangha.