3 Ngunit ang paghahandog na ginagawa nila taón-taón ay siya pang nagpapaalala sa mga kasalanan nila, 4 dahil hindi makapag-aalis ng kasalanan ang dugo ng mga toro at kambing na inihahandog nila.
5 Kaya nga, nang dumating si Kristo dito sa mundo, sinabi niya sa kanyang Ama,
"Hindi mo hinangad ang mga alay na hayop at mga handog,
sa halip, ipinaghanda mo ako ng katawang maihahandog.
6 Hindi ka nasiyahan sa mga handog na sinusunog
at ng iba pang mga handog para sa kasalanan.
7 Kaya sinabi ko, ‘Narito ako upang tuparin
ang kalooban mo, O Diyos,
ayon sa nakasaad sa Kasulatan tungkol sa akin.’ "10:7 Salmo 40:6-8. Ito ay hango sa saling Septuagint.
8 Una, sinabi niya, "Hindi mo hinangad ang mga alay na hayop at mga handog, pati na rin ang mga handog na sinusunog at ng iba pang mga handog para sa kasalanan. Hindi ka rin nasiyahan sa mga ito kahit na inihahandog ito ayon sa Kautusan." 9 Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang Ama, "Nandito ako upang sundin ang kalooban mo." Kaya inalis ng Diyos ang dating paraan ng paghahandog upang palitan ng paghahandog ni Kristo. 10 At dahil sinunod ni Hesu-Kristo ang kalooban ng Diyos, nilinis niya tayo sa mga kasalanan natin sa pamamagitan ng minsanang paghahandog ng sarili niya.