Naging Tao ang Salita
1 Nang pasimula,1:1 Nang pasimula: Sa mga Hudyo, ipinapaalala ng mga katagang ito ang salaysay ng paglikha sa lahat ng bagay. Tingnan ang Gen. 1:1. naroon na ang Salita. Ang Salita ay kasama ng Diyos at ang Salita ay Diyos. 2 Sa simula pa lang ay kasama na siya ng Diyos. 3 Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at kung wala siya, walang anumang nilikha ang nalikha. 4 Nasa kanya ang buhay at ang buhay na ito ang siyang ilaw na nagbibigay-liwanag sa mga tao. 5 Ang ilaw na itoʼy nagliliwanag sa kadiliman, at kailanmaʼy hindi madadaig ng kadiliman.
6 May isang taong nagngangalang Juan na isinugo ng Diyos. 7 Isinugo siya bilang saksi upang magpatotoo tungkol sa ilaw, nang sa gayon ay sumampalataya ang lahat ng tao sa pamamagitan niya. 8 Hindi si Juan ang mismong ilaw, kundi naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw.
9 Ang tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa lahat ng tao ay dumating na sa mundo. 10 Pumarito siya sa mundo ngunit hindi siya kinilala ng mundo, bagamaʼt nilikha ang mundo sa pamamagitan niya. 11 Dumating siya sa sarili niyang bayan, ngunit hindi siya tinanggap ng kanyang mga kababayan. 12 Gayunpaman, ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging anak ng Diyos. 13 Naging anak sila ng Diyos, hindi sa pamamagitan ng pisikal na pagkasilang dahil sa kagustuhan ng laman o kalooban ng tao, kundi ng Diyos.
14 Naging tao ang Salita at namuhay kasama namin. Nakita namin ang kaluwalhatian niya bilang kaisa-isang Anak1:14 kaisa-isang Anak: O natatanging Anak. ng Ama, puspos ng kagandahang-loob at katotohanan.
15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya at ito ang kanyang sinabi: "Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong, ‘May isang darating na kasunod ko na higit kaysa sa akin, sapagkat narito na siya bago pa man ako ipanganak.’ " 16 Sa kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob ay tumanggap tayong lahat ng abot-abot na biyaya. 17 Ibinigay sa atin ng Diyos ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises, ngunit ang kagandahang-loob at katotohanan ay natanggap natin sa pamamagitan ni Hesu-Kristo. 18 Walang sinumang nakakita sa Diyos; ngunit ang kanyang kaisa-isang Anak, na Diyos mismo at pinakamalapít sa Ama ang nagpakilala sa kanya.
Itinanggi ni Juan na Siya ang Mesias
(Mat. 3:1-12; Mar. 1:1-8; Luc. 3:1-18)