Pular para o conteúdo
Publicidade

João 11

Ang Pagkamatay ni Lazaro

1 Ngayon, may isang lalaking maysakit na nakatira doon sa Betania na sakop ng Judea. Siya si Lazaro na kapatid ng dalawang babaeng nagngangalang Maria at Marta. 2 (Si Maria ang babaeng kalaunaʼy magbubuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pupunasan niya ng kanyang buhok.) Nagkasakit si Lazaro, 3 kaya nagpasabi ang magkapatid na Maria at Marta kay Hesus, "Panginoon, may sakit po ang minamahal ninyong kaibigan."

4 Nang mabalitaan ito ni Hesus, sinabi niya, "Hindi hahantong sa kamatayan ang sakit na ito. Nagkasakit siya upang maparangalan ang Diyos, nang sa gayoʼy maparangalan din ang Anak ng Diyos." 5 Mahal ni Hesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazaro. 6 Ngunit nang mabalitaan niyang may sakit si Lazaro, nanatili pa siya nang dalawang araw sa kinaroroonan niya. 7 Pagkalipas ng dalawang araw, sinabi niya sa mga alagad niya, "Bumalik na tayo sa Judea."

8 Sumagot sila, "Rabbi, kamakailan lang ay tinangka kayong batuhin ng mga Hudyo roon. Bakit pa kayo babalik doon?"

9 Sumagot si Hesus, "Hindi baʼt may labindalawang oras sa maghapon? Kaya ang naglalakad sa araw ay hindi natitisod, dahil maliwanag pa. 10 Ngunit ang naglalakad sa gabi ay natitisod, dahil wala na sa kanya ang liwanag."

11 Pagkatapos, sinabi pa ni Hesus, "Ang kaibigan nating si Lazaro ay natutulog. Pupunta ako roon upang gisingin siya."

12 Sinabi ng mga alagad niya, "Panginoon, kung natutulog siya, nangangahulugan ito na gumagaling na siya." 13 Ang akala nilaʼy natutulog lang si Lazaro, pero ang ibig sabihin ni Hesus ay patay na ito.

14 Kaya tinapat sila ni Hesus, "Patay na si Lazaro. 15 Ngunit nagpapasalamat ako na wala ako roon, upang magkaroon kayo ng pagkakataon na lalo pang sumampalataya sa akin. Tayo na, puntahan natin siya."

16 Si Tomas na tinatawag na Kambal11:16 Kambal: Sa Griyego, Didimus. ay nagsabi sa mga kapwa niya alagad, "Sumama tayo sa kanya sa Judea, upang mamatay tayong kasama niya."

Si Hesus at ang Muling Pagkabuhay

17 Nang dumating si Hesus sa Betania, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. 18 Halos tatlong kilometro lang ang layo ng Betania sa Jerusalem, 19 kaya maraming Hudyo mula sa Jerusalem ang dumalaw kina Marta at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid. 20 Nang mabalitaan ni Marta na darating si Hesus, umalis ito para salubungin siya. Ngunit si Maria ay naiwan sa bahay.

21 Sinabi ni Marta kay Hesus, "Panginoon, kung nandito lang sana kayo ay hindi namatay ang kapatid ko. 22 Ngunit kahit ngayon, alam kong ibibigay sa inyo ng Diyos ang anumang hilingin nʼyo sa kanya."

23 Sinabi ni Hesus sa kanya, "Muling mabubuhay ang kapatid mo."

24 Sumagot si Marta, "Alam ko pong mabubuhay siyang muli sa huling araw, kapag bubuhayin na ang mga namatay."

25 Sinabi ni Hesus sa kanya, "Ako ang bumubuhay sa mga namatay, at ako rin ang nagbibigay ng buhay. Ang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay mabubuhay. 26 Ang sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?"

27 Sumagot si Marta, "Opo, Panginoon, sumasampalataya ako na kayo ang Mesias, ang Anak ng Diyos, na darating dito sa mundo."

28 Pagkasabi niya nito, bumalik si Marta sa bahay nila. Tinawag niya ang kapatid niyang si Maria at binulungan, "Narito na ang Guro, at ipinapatawag ka niya." 29 Nang marinig ito ni Maria, dali-dali siyang tumayo at pinuntahan si Hesus. 30 Hindi pa nakakarating si Hesus sa nayong iyon. Naroon pa lang siya sa lugar kung saan sinalubong siya ni Marta. 31 Nang makita ng mga nakikiramay na Hudyo na tumayo si Maria at dali-daling lumabas, sinundan nila siya sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan upang doon tumangis.

32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Hesus, nagpatirapa siya sa harap nito at sinabi, "Panginoon, kung narito lang sana kayo ay hindi sana namatay ang kapatid ko."

33 Nabagbag ang puso ni Hesus11:33 Nabagbag ang puso ni Hesus: O Nagalit si Hesus. Ganito rin sa talata 38|JHN 11:38. at naawa siya nang makita niyang umiiyak si Maria, pati na ang mga kasama nitong mga Hudyo. 34 Tinanong niya sila, "Saan ninyo siya inilibing?"

Sumagot sila, "Panginoon, halikayoʼt tingnan ninyo."

35 At si Hesus ay umiyak.

36 Kaya sinabi ng mga tao, "Tingnan ninyo kung gaano niya kamahal si Lazaro."

37 Ngunit sinabi naman ng iba, "Hindi baʼt pinagaling niya ang lalaking bulag? Bakit hindi niya nailigtas sa kamatayan si Lazaro?"

Muling Binuhay si Lazaro

38 Muling nabagbag ang puso ni Hesus. Kaya pumunta siya sa pinaglibingan kay Lazaro. Isa itong kuweba na tinakpan ng isang malaking bato. 39 Pagdating nila roon, sinabi ni Hesus, "Alisin ninyo ang bato."

Sumagot si Marta na kapatid ng namatay, "Panginoon, tiyak na nangangamoy na po ngayon ang bangkay. Apat na araw na po siyang nakalibing."

40 Sinabi ni Hesus sa kanya, "Hindi baʼt sinabi ko saʼyo na kung sasampalataya ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?"

41 Kaya inalis nila ang bato. Tumingala si Hesus sa langit at sinabi, "Ama, nagpapasalamat ako sa iyo, dahil dinidinig mo ako. 42 Alam kong palagi mo akong dinidinig, at sinasabi ko ito para sa kapakanan ng mga nasa paligid ko upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin."

43 Pagkasabi niya nito, sumigaw siya, "Lazaro, lumabas ka!" 44 At lumabas nga ang namatay na si Lazaro na nababalot pa ng telang lino ang mga kamay at paa, at may takip na tela ang mukha.

Sinabi ni Hesus sa kanila, "Kalagan nʼyo siya para malayang makalakad."

Veja também