Pinalakas ni Hesus ang Loob ng Kanyang mga Alagad
1 Sinabi pa ni Hesus, "Huwag kayong mabagabag. Magtiwala kayo sa Diyos at magtiwala rin kayo sa akin. 2 Sa tahanan ng aking Ama ay maraming silid. Pupunta ako roon upang ipaghanda kayo ng lugar. Hindi ko ito sasabihin kung hindi ito totoo. 3 Kapag naroon na ako at naipaghanda na kayo ng lugar, babalik ako at isasama kayo upang kung nasaan ako ay naroon din kayo.