Ang Huling Hapunan
12 Dumating ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, ang araw na pinapatay ang tupang hinahandog bilang pag-alaala sa Paglampas ng Anghel. Kaya tinanong si Hesus ng mga alagad niya, "Saan nʼyo po kami gustong maghanda ng hapunan para sa Pista ng Paglampas ng Anghel?"
13 Inutusan niya ang dalawa sa mga alagad niya, "Pumunta kayo sa lungsod. Doon, may makakasalubong kayong isang lalaki na may pasan-pasang banga ng tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na papasukan niya, 14 at sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung saan ang kuwartong kakainan niya ng hapunan kasama ang mga alagad niya upang ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel.’ 15 Ituturo niya sa inyo ang isang malaking kuwarto sa itaas, kumpleto na ng kagamitan at nakahanda na. Doon kayo maghanda ng hapunan natin."
16 Pumunta nga sa lungsod ang dalawa niyang alagad at nakita nila ang lahat ayon sa sinabi niya sa kanila. At doon sila naghanda ng hapunan para sa Pista.
17 Kinagabihan, dumating si Hesus at ang labindalawang alagad. 18 Habang kumakain sila sa mesa, sinabi ni Hesus, "Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ipagkakanulo ako ng isa sa inyo na kasalo ko sa pagkain."
19 Nalungkot sila nang marinig ito, at isa-isa silang nagtanong sa kanya, "Hindi ako iyon, di po ba?"
20 Sinabi ni Hesus sa kanila, "Isa siya sa inyong labindalawa. Siya ang kasama kong nagsasawsaw ng tinapay sa mangkok. 21 Ang Anak ng Tao ay papatayin ayon sa sinasabi sa Kasulatan, ngunit nakakaawa ang taong magkakanulo sa Anak ng Tao. Mas mabuti pa para sa kanya kung hindi na lamang siya ipinanganak."
22 Habang kumakain sila, kumuha ng tinapay si Hesus. Nagpasalamat siya sa Diyos at pagkatapos ay pinagpira-piraso niya ito at ibinigay sa mga alagad niya at sinabi, "Kunin ninyo ito; ito ang aking katawan."