Iniharap si Hesus sa Sanhedrin
53 Dinala nila si Hesus sa bahay ng punong pari. Nagtipon doon ang lahat ng namamahalang pari, mga pinuno ng mga Hudyo at ang mga tagapagturo ng Kautusan. 54 Samantala, sumunod din doon si Pedro ngunit hindi siya lumapit kay Hesus. Pumasok siya sa bakuran ng bahay ng punong pari at nakiupo sa mga guwardiya na nagpapainit sa tabi ng apoy.
Ikinaila ni Pedro si Hesus
66 Habang nasa loob pa ng bakuran si Pedro, dumaan ang isang babaeng utusan ng punong pari. 67 Nang makita niya si Pedro na nagpapainit sa apoy, tinitigan niya ito.
Sinabi niya, "Kasama ka rin ni Hesus na taga-Nazaret, hindi ba?"
68 Ngunit itinanggi ito ni Pedro, "Hindi ko alam ang sinasabi mo." Pagkatapos, umalis siya roon at pumunta sa may labasan, at noon din ay tumilaok ang manok.
69 Nakita na naman siya roon ng babaeng utusan, kaya sinabi ng babae sa mga taong naroon, "Ang taong iyan ay isa rin sa mga kasamahan ni Hesus." 70 Ngunit muling itinanggi ito ni Pedro.
Maya-maya, sinabi ng mga taong naroon, "Isa ka nga sa mga kasamahan niya, dahil taga-Galilea ka rin!"
71 Ngunit sumumpa si Pedro, "Kahit mamatay man ako, hindi ko talaga kilala ang taong sinasabi ninyo."
72 Noon din ay muling tumilaok ang manok, at naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Hesus, "Bago tumilaok ang manok nang dalawang beses, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako." At humagulgol siya.