Hinamak ng mga Sundalo si Hesus
16 Dinala ng mga sundalo si Hesus sa loob ng palasyo ng gobernador at tinipon nila roon ang buong batalyon ng mga sundalo. 17 Sinuotan nila si Hesus ng kapa na kulay ube at gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong sa kanya. 18 Pagkatapos, pakutya silang nagsisigaw, "Mabuhay ang hari ng mga Hudyo!" 19 At paulit-ulit nilang pinaghahampas ng talahib ang kanyang ulo, at pinagduduraan nila siya. Lumuhod sila sa kanya na kunwari ay sumasamba sa kanya. 20 Matapos nilang kutyain si Hesus, hinubad nila ang kulay ubeng kapa at ipinasuot ang kanyang damit. Pagkatapos, dinala nila siya sa labas ng lungsod upang ipako sa krus.