Pinagaling ni Hesus ang Sinapian ng Demonyo
1 Dumating sila sa kabila ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno5:1 Geraseno: Sa ilang manuskritong Griyego, Gergeseno o Gadareno.. 2 Pagbaba ni Hesus sa bangka, may isang lalaking lumabas mula sa mga kuwebang libingan para salubungin siya. Ang lalaking itoʼy sinasaniban ng masamáng espiritu, 3 at doon na siya nakatira sa mga libingan. Hindi siya maigapos ng matagal kahit kadena pa ang gamitin nila. 4 Ilang beses nang ikinadena ang mga kamay at paa niya, ngunit nilalagot lang niya ang mga ito. Walang nakakapigil sa kanya. 5 Araw at gabi siyang sumisigaw sa libingan at kaburulan, at sinusugatan niya ng bato ang kanyang sarili.
6 Malayo pa lang ay natanaw na niya si Hesus kaya patakbo siyang lumapit at lumuhod sa harapan nito. 7 Sumigaw siya nang malakas, "Ano ang pakay mo sa akin, Hesus na Anak ng Kataas-taasang Diyos? Nakikiusap ako, sa pangalan ng Diyos, huwag mo akong pahirapan!" 8 Sinabi niya ito sapagkat iniutos ni Hesus, "Ikaw na masamáng espiritu, lumabas ka sa taong iyan!"
9 Tinanong siya ni Hesus, "Ano ang pangalan mo?"
Sumagot siya, "Hukbo5:9 Hukbo: O Lehiyon. Isang pangkat sa Hukbong Romano na binubuo ng 5,000 hanggang 6,000 kawal. ang pangalan ko, kasi marami kami." 10 At paulit-ulit itong nagmakaawa kay Hesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.
11 Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain sa gilid ng burol. 12 Nagmakaawa kay Hesus ang mga demonyo, "Papuntahin mo na lang kami sa mga baboy; hayaan mo kaming pumasok sa kanila." 13 Kaya pinayagan sila ni Hesus. Lumabas nga ang masasamáng espiritu sa lalaki at pumasok sa mga baboy. Ang buong kawan ng baboy na may dalawang libo ay nagtakbuhan pababa ng burol, nagtuloy-tuloy sa lawa at nalunod.
14 Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng mga baboy papunta sa bayan at ipinamalita roon at sa mga kalapit-nayon ang nangyari. Kaya nagdatingan ang mga tao upang alamin ang tunay na nangyari. 15 Pagdating nila kay Hesus, nakita nila ang taong dating sinaniban ng hukbo ng masasamáng espiritu. Nakaupo siya at nakadamit, at matino na ang pag-iisip, kayaʼt natakot ang mga tao. 16 Ikinuwento sa kanila ng mga nakasaksi kung ano ang nangyari sa taong iyon at sa mga baboy. 17 Dahil dito, pinakiusapan ng mga tao si Hesus na umalis sa kanilang lugar.
18 Nang pasakay na si Hesus sa bangka, nakiusap sa kanya ang lalaking dating sinapian ng demonyo na isama siya. 19 Ngunit hindi pumayag si Hesus. Sa halip, sinabi niya sa lalaki, "Umuwi ka sa pamilya mo at sabihin mo sa kanila ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon at kung paano ka niya kinaawaan." 20 Kaya umalis ang lalaki at ipinamalita sa Decapolis5:20 Decapolis: O Ang Sampung Bayan. ang ginawa sa kanya ni Hesus, at namangha ang lahat ng nakarinig.