Ang Anak ni Jairo at ang Babaeng Dinudugo
21 Nang makabalik na sina Hesus sa kabilang ibayo ng lawa sakay ng bangka, nasa dalampasigan pa lamang siya ay naglapitan na agad ang napakaraming tao. 22 Isa sa mga namumuno sa sinagoga na nagngangalang Jairo ang dumating doon. Pagkakita niya kay Hesus, lumuhod siya sa paanan ni Hesus 23 at nagsumamo, "Nag-aagaw-buhay po ang anak kong dalagita, kaya kung maaari, sumáma po kayo sa akin at ipatong ninyo ang inyong kamay sa kanya, upang gumaling siya at mabuhay!" 24 Kaya sumáma sa kanya si Hesus.
Sinundan siya ng napakaraming tao na nagsisiksikan sa kanya. 25 May isang babae roon na labindalawang taon nang dinudugo. 26 Maraming hirap na ang dinanas niya sa kamay ng ibaʼt ibang manggagamot. Naubos na rin ang lahat ng ari-arian niya sa pagpapagamot, pero sa halip na gumaling ay lalo pang lumala ang kanyang sakit. 27 Nabalitaan niya ang tungkol kay Hesus, kaya nakipagsiksikan siya sa mga tao upang mahipo man lang ang damit ni Hesus. 28 Naisip kasi niya, "Mahawakan ko lamang ang damit niya ay gagaling na ako." 29 Biglang tumigil ang kanyang pagdurugo nang mahipo niya ang damit ni Hesus, at naramdaman niyang magaling na siya.
30 Agad namang naramdaman ni Hesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya lumingon siya at nagtanong, "Sino ang humawak sa damit ko?"
31 Sumagot ang mga alagad niya, "Sa dami po ng mga taong nagsisiksikan, bakit pa ninyo tinatanong kung sino ang humawak sa inyo?"
32 Ngunit patuloy siyang lumingon-lingon upang makita kung sino ang humipo sa kanya. 33 Dahil alam ng babae kung ano ang nangyari sa kanya, lumapit siyang nanginginig sa takot at lumuhod sa harap ni Hesus, at ipinagtapat ang kanyang ginawa. 34 Sinabi sa kanya ni Hesus, "Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Malaya ka na sa iyong paghihirap, kaya umuwi kang mapayapa."
35 Habang kausap pa ni Hesus ang babae, dumating ang ilang tao mula sa bahay ni Jairo na isa sa mga namumuno sa sinagoga. Sinabi nila kay Jairo, "Patay na po ang anak ninyo. Kahit huwag nʼyo na pong abalahin ang guro."
36 Ngunit hindi pinansin ni Hesus ang sinabi nila. Sa halip, sinabi niya kay Jairo, "Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang."
37 Hindi pinayagan ni Hesus ang mga tao na sumáma sa kanya sa bahay ni Jairo maliban kay Pedro at sa magkapatid na Santiago at Juan. 38 Pagdating nila roon, nakita ni Hesus ang kaguluhan, may mga umiiyak at humahagulgol. 39 Pumasok siya sa bahay at sinabi niya sa kanila, "Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata kundi natutulog lang!" 40 Ngunit pinagtawanan lamang siya ng mga ito.
Pinalabas niya silang lahat maliban sa amaʼt ina ng bata at sa tatlo niyang alagad. Pagkatapos, pumasok sila sa kuwartong kinaroroonan ng bata. 41 Hinawakan niya ito sa kamay at sinabi, "Talitha koum!" (na ang ibig sabihin ay "Ineng, bumangon ka"). 42 Bumangon naman agad ang bata at naglakad-lakad (siyaʼy labindalawang taóng gulang). Labis ang pagkamangha ng mga nakasaksi sa nangyari. 43 Ngunit mahigpit silang pinagbilinan ni Hesus na huwag ipagsabi kahit kanino ang nangyari. Pagkatapos, sinabihan sila ni Hesus na bigyan ng makakain ang bata.