2 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Hesus sina Pedro, Santiago at Juan at umakyat sila sa isang mataas na bundok. Sila lang ang naroon. At habang nakatingin sila kay Hesus, nagbago ang kanyang anyo. 3 Naging puting-puti at nakakasilaw tingnan ang damit niya. Walang sinuman dito sa mundo na makakapagpaputi nang katulad noon. 4 At nagpakita sa kanila sina Elias at Moises na nakikipag-usap kay Hesus.
5 Sinabi ni Pedro kay Hesus, "Rabbi, mabutiʼt narito tayo! Hayaan nʼyo pong gumawa kami ng tatlong kubol: isa po para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias." 6 Ito ang nasabi niya dahil hindi niya alam kung ano ang dapat niyang sabihin sapagkat takot na takot sila.
7 Pagkatapos, tinakpan sila ng ulap. At may narinig silang tinig mula sa ulap na nagsasabi, "Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!"
8 Nang tumingin sila sa paligid, wala nang ibang naroon kundi si Hesus na lang.
9 Habang pababa na sila sa bundok, pinagbilinan sila ni Hesus na huwag nilang sasabihin kahit kanino ang nakita nila hanggaʼt ang Anak ng Tao ay hindi pa muling nabubuhay. 10 Kaya hindi nila sinabi kahit kanino ang pangyayaring iyon. Ngunit pinag-usapan nila kung ano ang ibig niyang sabihin sa "muling pagkabuhay".
11 Nagtanong sila kay Hesus, "Bakit sinasabi po ng mga tagapagturo ng Kautusan na kailangan daw munang dumating si Elias?"
12,13 Sumagot siya sa kanila, "Totoo iyan, kailangan ngang dumating muna si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. Ngunit sasabihin ko sa inyo: Dumating na si Elias at ginawa ng mga tao ang gusto nilang gawin sa kanya ayon na rin sa isinulat tungkol sa kanya. Ngunit bakit isinulat din na ang Anak ng Tao ay daranas ng maraming hirap at itatakwil ng mga tao?"
Pinagaling ni Hesus ang Batang Sinasapian ng Demonyo
(Mat. 17:14-21; Luc. 9:37-43)