25 Nang maghahatinggabi na, nananalangin at umaawit ng mga papuri sa Diyos sina Pablo at Silas. Nakikinig naman sa kanila ang ibang mga bilanggo. 26 Walang anu-anoʼy biglang lumindol nang malakas at nayanig kahit ang mga pundasyon ng bilangguan. Nabuksan ang lahat ng pintuan ng bilangguan at natanggal ang mga kadena ng lahat ng bilanggo. 27 Nagising ang guwardiya at nakita niyang bukas ang mga pintuan. Akala niyaʼy tumakas na ang mga bilanggo, kaya hinugot niya ang kanyang espada at magpapakamatay na sana siya. 28 Ngunit sumigaw si Pablo, "Huwag kang magpakamatay! Narito kaming lahat!"
29 Nagpakuha ng ilaw ang guwardiya at dali-daling pumasok sa loob at nanginginig na lumuhod sa harapan nina Pablo at Silas. 30 Pagkatapos, dinala niya sina Pablo sa labas at tinanong, "Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin upang maligtas?"
31 Sumagot sila, "Sumampalataya ka sa Panginoong Hesus at maliligtas ka at ang iyong pamilya." 32 At ipinangaral nina Pablo ang salita ng Panginoon sa kanya at sa lahat ng miyembro ng kanyang pamilya. 33 Kahit malalim na ang gabi, isinama sila ng guwardiya at hinugasan ang mga sugat nila. Pagkatapos nito, agad siyang nagpabautismo kasama ang kanyang buong pamilya. 34 Pagkatapos, isinama niya sina Pablo sa kanyang bahay at pinakain. Puno ng kagalakan ang guwardiya at ang kanyang buong pamilya na silaʼy sumampalataya na sa Diyos.