Ang Pagpasok ni Hesus sa Jerusalem Bilang Hari
12 Kinabukasan, nabalitaan ng maraming taong dumalo sa pista na papunta si Hesus doon sa Jerusalem. 13 Kaya kumuha sila ng mga palaspas at sinalubong siya. Sumisigaw sila,
"Papuri sa Diyos!"
"Pinagpala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon."12:13 Salmo 118:26.
"Pagpalain ang hari ng Israel!"
14 Nakakita si Hesus ng isang bisirong asno at sinakyan niya ito, gaya ng nakasaad sa Kasulatan, 15 "Huwag kayong matakot, mga taga-Zion! Makinig kayo! Paparating na ang inyong hari na nakasakay sa isang bisirong asno!"12:15 nakasakay sa isang bisirong asno: Ang bisirong asno ay karaniwang nauugnay sa hangaring pangkapayapaan. Ipinahiwatig ni Hesus na siya ang tinutukoy sa Zac. 9:9.
16 Hindi pa naiintindihan noon ng mga alagad ni Hesus na iyon ay katuparan ng propesiya. Naintindihan lamang nila na ang mga nangyari ay katuparan ng nakasaad sa Kasulatan noong bumalik na si Hesus sa langit.
17 Marami ang nakasaksi nang muling buhayin ni Hesus si Lazaro, at ipinamalita nila ang pangyayaring ito. 18 Kaya marami ang sumalubong kay Hesus, dahil nabalitaan nila ang ginawa niyang himala. 19 Dahil dito, nag-usap-usap ang mga Pariseo at sinabi, "Tingnan ninyo, sumusunod na sa kanya ang lahat ng tao, at wala tayong magawa!"