Nagpakita si Hesus sa Kanyang Pitong Alagad
1 Pagkalipas ng ilang araw, muling nagpakita si Hesus sa mga alagad niya sa may lawa ng Tiberias. Ganito ang nangyari: 2 Magkakasama noon sina Simon Pedro, Tomas (na tinatawag ding Kambal), Natanael na taga-Cana na bayan sa Galilea, mga anak ni Zebedeo, at dalawa pang mga alagad. 3 Sinabi ni Simon Pedro sa kanila, "Mangingisda ako." Sumagot sila, "Sasáma kami." Kaya sumakay sila sa bangka at pumalaot. Ngunit wala silang nahuli nang gabing iyon.
4 Nang madaling-araw na, may nakita silang nakatayo sa dalampasigan, ngunit hindi nila nakilala na si Hesus iyon.
5 Tinawag sila ni Hesus, "Mga kaibigan,21:5 Mga kaibigan: Sa literal, Mga anak. may huli ba kayo?"
Sumagot sila, "Wala po."
6 Sinabi ni Hesus sa kanila, "Ihulog nʼyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makakahuli kayo." Iyon nga ang ginawa nila, at nang hilain nila iyoʼy hindi nila maitaas ang lambat sa dami ng nahuli nilang isda.
7 Sinabi kay Pedro ng alagad na malapit sa puso ni Hesus, "Ang Panginoon iyon!" Nang marinig ito ni Pedro, isinuot niya ang panlabas na kasuotan (dahil hinubad niya ito bago nanghuli ng isda), at tumalon sa tubig. 8 Ang ibang mga alagad na nasa bangka ay bumalik din sa dalampasigan na hila-hila ang lambat na puno ng isda, dahil mga 90 metro lang ang layo nila sa pampang. 9 Pagdating nila sa dalampasigan, nakita nila roon ang nagbabagang uling na may nakasalang na isda, at ilang tinapay.
10 Sinabi ni Hesus sa kanila, "Magdala kayo rito ng ilang isda na nahuli ninyo." 11 Kaya sumampa sa bangka si Pedro at hinila papunta sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda na 153 lahat-lahat. Ngunit kahit ganoon karami ang isda, hindi nasira ang lambat.