1 Sinabi sa akin ng Panginoon, "Lumakad ka at bumili ng sinturon na gawa sa pinong lino. Itali mo ito sa baywang mo, pero huwag mong lalabhan." 2 Kaya bumili ako ng sinturon at pagkatapos, itinali ko ito sa baywang ko ayon sa sinabi ng Panginoon.
3 Pagkatapos, sinabing muli sa akin ng Panginoon, 4 "Tanggalin mo ang sinturon na binili mo at pumunta ka malapit sa Ilog Eufrates at itago mo roon ang sinturon sa biyak ng bato." 5 Kaya pumunta ako sa may Ilog Eufrates at itinago ko roon ang sinturon ayon sa sinabi ng Panginoon.
6 Pagkaraan ng mahabang panahon, muling sinabi sa akin ng Panginoon, "Pumunta ka sa Ilog Eufrates at kunin mo ang sinturon na ipinatago ko sa iyo roon." 7 Kaya pumunta ako sa Ilog Eufrates at kinuha ko ang sinturon sa pinagtaguan ko, pero sira na iyon at hindi na mapapakinabangan.
8 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon: 9 "Ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Ganyan din ang mangyayari sa Juda na mapagmataas at sa higit na pagmamataas ng Jerusalem. 10 Ayaw sumunod ng masasamang taong ito sa mga sinasabi ko. Sinusunod nila ang nais ng matitigas nilang puso na naglilingkod at sumasamba sa mga diyos-diyosan. Kaya matutulad sila sa sinturon na iyan na hindi na mapapakinabangan. 11 Kung papaano sanang ang sinturon ay nakakapit nang mahigpit sa baywang ng tao, nais ko rin sanang ang lahat ng mamamayan ng Israel at Juda ay kumapit nang mahigpit sa akin,’ sabi ng Panginoon. ‘Hinirang ko sila upang papurihan nila ako at parangalan, pero ayaw nilang makinig sa akin.’
12 "Jeremias, sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel na ako, ang Panginoon, ang Diyos ng Israel ay nagsasabing, ‘Ang lahat ng sisidlang-balat nʼyo ay mapupuno ng alak.’ At kung sasabihin nila sa iyo, ‘Alam na naming mapupuno ng alak ang lahat ng lalagyan namin.’ 13 Sabihin mo sa kanila na ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Parurusahan ko ang lahat ng mamamayan ng lupaing ito, na parang nilasing ko sila ng alak. Parurusahan ko ang mga hari na angkan ni David, ang mga pari, mga propeta, at ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem. 14 Pag-uumpugin ko ang mga magulang at ang mga anak nila. Hindi ako mahahabag sa pagpatay sa kanila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ "
15 Makinig kayong mabuti,
at huwag kayong magmataas
sapagkat nagsalita na
ang Panginoon.
16 Parangalan ninyo ang Panginoon na inyong Diyos
habang hindi pa niya
ipinapadala ang kadiliman,
at habang hindi pa kayo nadadapa
sa dumidilim na mga bundok.
Ang liwanag na inyong inaasahan
ay gagawin niyang napakatinding kadiliman.
17 Kung ayaw pa rin ninyong makinig,
iiyak ako nang lihim dahil sa inyong pagmamataas.
Iiyak ako nang malakas
at aapaw ang aking mga luha
dahil bibihagin ang kawan
ng Panginoon.
18 Sabihin mo sa hari at sa kanyang inang reyna,
"Bumaba kayo sa inyong trono
sapagkat malapit nang kunin sa inyong ulo
ang magaganda ninyong korona."
19 Isasara ang mga pintuan ng mga bayan sa Negeb.
Wala nang makakapasok
o makakalabas doon.
Ang mga tao sa Juda ay magiging mga bihag.
Lahat sila ay ipapatapon.
20 Tingnan ninyo ang mga kaaway
na dumarating mula sa hilaga.
Nasaan na ang kawang iyong ipinagmamalaki,
na ipinagkatiwala ko sa iyo
upang iyong alagaan?
21 Ano ang mararamdaman mo
kung ang kakampi mong bansa
ang sumakop sa iyo?
Hindi baʼt magdaramdam ka
tulad ng isang babaeng manganganak na?
22 Kung tatanungin mo ang iyong sarili,
"Bakit ito nangyari sa akin?"
Itoʼy dahil sa napakarami mong kasalanan
kaya ikaʼy napahamak na parang babaeng pinunit ang damit
at pinagsamantalahan,
23 Mapapalitan ba ng taga-Etiopia
ang kulay ng kanyang balat?
Maaalis ba ng leopardo
ang mga batik sa kanyang katawan?
Hindi! Ganyan din kayong mga taga-Jerusalem,
hindi kayo makakagawa ng mabuti
dahil ugali na ninyo
ang gumawa ng masama.
24 Sinabi ng Panginoon,
"Ikakalat ko kayo katulad ng ipa
na inililipad ng hanging
mula sa disyerto.
25 Iyan ang kahihinatnan ninyo,"
sabi ng Panginoon.
"Gagawin ko ito sa inyo
sapagkat kinalimutan ninyo ako
at nagtiwala kayo sa mga diyos-diyosan.
26 Tatanggalin ko ang inyong mga saplot
upang ilantad ang inyong kahihiyan.
27 Nakita ko ang inyong pakikiapid, ang mga halinghing
at mga kahalayang gawa ng babaeng bayaran.
Nakita ko ang kasuklam-suklam ninyong
pagsamba ng mga diyos-diyosan
sa kaburulan at kabukiran.
Kahabag-habag kayo, mga taga-Jerusalem!
Hanggang kailan kayo mananatili sa karungisan?"