1 Sinabi ng Panginoon, "O Israel,
kung talagang gusto mong
magbalik sa akin,
manumbalik ka na.
Kung itatakwil mo ang mga kasuklam-suklam
mong diyos-diyosan
at hindi ka na lalayo sa akin,
2 at kung susumpa ka
sa aking pangalan lamang
na nagsasabing,
‘Habang buháy ang Panginoong,’
at mamumuhay nang tapat,
matuwid at tama,
magiging pagpapala ka sa mga bansa
at pararangalan nila ako."
3 Sinabi ng Panginoon sa mga taga-Juda at taga-Jerusalem:
"Tulad ng pagbungkal sa matigas na lupa,
bungkalin ninyo ang matigas ninyong puso!
Tulad ng pagbunot sa dawag at tinik
upang hindi masayang ang binhi,
alisin ninyo ang kasalanang sumisira sa inyo.
At huwag sayangin ang mabuting binhi
sa mga dawag at tinik.
4 Linisin nʼyo ang inyong mga puso
sa harapan ng Panginoon,
kayong mga taga-Juda at taga-Jerusalem,
dahil kung hindi ay mararanasan ninyo
ang aking galit na katulad ng apoy
na hindi namamatay
dahil sa ginawa nʼyong kasamaan.
5 "Sabihin mo sa Juda at ipahayag sa Jerusalem:
‘Patunugin ninyo ang trumpeta
sa buong lupain!’
Isigaw nang malinaw at sabihin:
‘Magsama-sama at magtipon!
Tumakas patungo
sa mga napapaderang lungsod!’
6 Itaas mo ang bandila
at balaan mo ang mga taga-Zion
na tumakas agad sila
sapagkat magpapadala ako
ng kapahamakan mula sa hilaga."
7 Ang tagapagwasak na sasalakay sa mga bansa
ay parang leon na lumabas sa kanyang lungga.
Nakaalis na siya sa lugar niya
upang wasakin ang lupain ninyo.
Guguho ang mga bayan ninyo
at wala nang makakatira sa mga ito.
8 Kaya isuot na ninyo ang damit na panluksa,
tumangis kayo at umiyak,
sapagkat matindi pa rin
ang galit ng Panginoon sa atin.
9 Sinabi ng Panginoon,
"Sa araw na iyon,
maduduwag ang hari
at ang kanyang mga pinuno,
masisindak ang mga pari,
at mangingilabot ang mga propeta."
10 Pagkatapos, sinabi ko, "Makapangyarihang Panginoon, nalinlang po ang mga tao sa sinabi nʼyo noon, dahil nangako po kayo na mananatiling payapa ang Jerusalem. Ngunit ang espada pala ay nakahanda nang pumatay sa amin."
11 Darating ang araw na sasabihin ng Panginoon sa mga taga-Jerusalem, "Iihip ang mainit na hangin mula sa ilang patungo sa mga mamamayan ko, pero hindi ito para mahanginan at masala ang kanilang mga trigo. 12 Ang malakas na hangin na itoʼy galing sa akin. Sasabihin ko ngayon ang parusa ko sa kanila."
13 Tingnan nʼyo! Dumarating ang kaaway natin
na parang mga ulap.
Ang mga karwahe niyaʼy parang ipuipo
at ang mga kabayo niyaʼy
mas mabilis kaysa sa mga agila.
Nakakaawa tayo!
Ito na ang ating katapusan!
14 "Mga taga-Jerusalem, linisin ninyo
ang kasamaan sa inyong puso
upang kayoʼy maligtas.
Hanggang kailan kayo mag-iisip ng masama?
15 Ang kapahamakan ninyoʼy ibinalita
na ng mga mensahero mula sa Dan
at ipinahayag sa kabundukan ng Efraim.
16 Inutusan silang bigyan ng babala ang mga bansa
at ibalita tungkol sa Jerusalem
na may mga sundalong sumasalakay
mula sa malayong lugar
na humahamon ng digmaan
sa mga lungsod ng Juda.
17 Pinaligiran nila ang Jerusalem
na parang mga taong nagbabantay ng bukid,
dahil ang Jerusalem ay naghimagsik sa akin,"
sabi ng Panginoon.
18 "Ang inyong pag-uugali at mga gawa
ang nagdala ng parusang ito sa inyo.
Ito ang kaparusahan ninyo.
Masakit ito!
At tatagos ito sa inyong puso."
19 Ang puso ko, ang puso ko,
namimilipit sa sakit na nadarama!
Mabigat ang aking kalooban,
kumakabog ang aking dibdib
at hindi ako mapalagay.
Sapagkat aking narinig ang tunog ng trumpeta,
at ang hiyaw ng mga mandirigma.
20 Sunod-sunod na dumating ang kapahamakan.
Ang buong lupain ay napinsala.
Pati ang tolda koʼy agad na nagiba
at napunit ang mga tabing.
21 Hanggang kailan ko kaya makikita
ang watawat ng digmaan
at maririnig ang tunog ng trumpeta?
22 "Hangal ang aking mga mamamayan ko;
hindi nila ako nakikilala.
Silaʼy mga mangmang na kabataan
at walang pang-unawa.
Sanay silang gumawa ng masama
ngunit hindi marunong gumawa ng mabuti."
23 Tiningnan ko ang lupain
at nakita kong itoʼy wala nang anyo
at wala nang laman.
At nakita ko ring ang langit
ay wala nang liwanag.
24 Nakita ko ang mga bundok,
at ang mga ito ay yumayanig;
at ang mga burol ay parang may indayog.
25 Nakita ko rin na walang tao
at lumilipad ang mga ibon papalayo.
26 Nakita ko na ang masaganang bukirin
ay naging ilang.
Nawasak ang lahat ng bayan
dahil sa matinding galit ng Panginoon.
27 Ito ang sinasabi ng Panginoon,
"Ang buong lupain ay mawawasak,
pero hindi ko ito lubos na gigibain.
28 Iiyak ang sanlibutan
at magdidilim ang langit,
dahil sinabi ko na ang kaparusahan
at hindi ko na ito babaguhin.
Nakapagpasya na ako
at hindi na magbabago ang isip ko."
29 Sa ingay ng mga nangangabayo at mamamana,
tumakas na sa takot ang mga
mamamayan ng bawat bayan.
Ang iba ay tumakas sa kagubatan
at ang iba ay umakyat sa batuhan.
Ang lahat ng bayan ay iniwanan
at walang natirang
naninirahan sa mga ito.
30 Jerusalem malapit ka nang mawasak.
Ano ang ginagawa mo?
Bakit may suot ka pang magandang damit
at mga gintong alahas?
Bakit naglalagay ka pa
ng mga kolorete sa iyong mga mata?
Wala nang kabuluhan
ang iyong pagpapaganda.
Itinakwil ka na ng iyong mga
minamahal na kakamping bansa
at gusto ka na nilang patayin.
31 Narinig ko ang pag-iyak at pagdaing,
na parang babaeng nanganganak
sa kanyang panganay.
Iyak ito ng mga mamamayan ng Jerusalem
na parang hinahabol ang kanilang hininga.
Itinataas nila ang kanilang
mga kamay at nagsasabing,
"Kawawa naman kami;
at parang kamiʼy hihimatayin na,
sapagkat nariyan na ang aming
mga kaaway na papatay sa amin."