Publicidade

Jeremias 30

Ang mga Pangako ng Panginoon sa Kanyang mga Mamamayan

1,2 Ito ang mensaheng sinabi ng Panginoon kay Jeremias: "Ako, ang Panginoon, ang Diyos ng Israel ay nagsasabing: ‘Isulat mo sa aklat ang lahat ng sinabi ko sa iyo. 3 Sapagkat darating ang araw,’ sabi ng Panginoon, na ibabalik kong muli ang mga mamamayan kong taga-Israel at taga-Juda mula sa pagkabihag. Ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa mga ninuno nila na magiging pag-aari nila."

4 Ito pa ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Israel at Juda. 5 "Ito ang sinasabi ng Panginoon:

‘Maririnig ang hiyawan ng mga tao

hindi dahil sa tuwa

kundi sa matinding takot.

6 May itatanong ako sa inyo.

Maaari bang manganak ang lalaki?

Bakit nakikita ko ang mga lalaking namumutla

at hawak-hawak ang tiyan

na parang babaeng manganganak na?

7 Lubhang nakakatakot kapag dumating na

ang araw na iyon,

at wala itong katulad.

Panahon iyon ng paghihirap ng mga lahi ni Jacob,

pero maliligtas sila

sa bandang huli

sa kalagayang iyon.

8 " ‘Ako, ang Panginoon ng mga Hukbo,

ay nagsasabing sa panahong iyon,

hindi na sila aalipinin

ng mga taga-ibang bansa.

Babaliin ko na ang pamatok

sa kanilang mga leeg

at tatanggalin ko na

ang kanilang mga kadena.

9 Silaʼy maglilingkod sa akin,

ang Panginoon nilang Diyos,

at hihirang ako ng kanilang hari

mula sa angkan ni David.

10 " ‘Kaya huwag kang matatakot Jacob

na aking lingkod,

o manlulupaypay man,

kayong lahi ni Israel,’

sabi ng Panginoon.

‘Sapagkat tutulungan ko kayo

at aalisin mula diyan sa malayong lugar

kung saan kayo binihag.

Sa pagbabalik ninyo, mamumuhay na kayo

nang payapa,

tahimik, at walang kinatatakutan.

11 Akoʼy kasama ninyo at ililigtas ko kayo,’

sabi ng Panginoon.

Lubusan kong wawasakin

ang mga bansa

kung saan ikinalat ko kayo

pero hindi ko ito gagawin sa inyo.

Ngunit hindi rin ito nangangahulugang

hindi ko kayo parurusahan.

Didisiplinahin ko kayo nang nararapat."

12 Sinabi pa ng Panginoon:

"Talagang malubha na ang inyong mga sugat

at hindi na ito gagaling.

13 Wala nang makakatulong

o makakagamot sa inyo.

Wala nang lunas para sa inyo.

14 Nakalimutan na kayo

ng mga kakampi ninyong bansa,

ang mga nagmahal sa inyo dati;

hindi na nila kayo pinapansin.

Sinalakay ko kayo gaya ng pagsalakay ng kaaway.

Matindi ang parusa ko sa inyo

dahil malaki at marami ang inyong kasalanan.

15 Huwag kayong dadaing

na hindi na gumagaling

ang sugat ninyo.

Pinarusahan ko kayo dahil napakatindi

at napakarami ng inyong kasalanan.

16 "Ngunit ipapahamak ko rin

ang lahat ng magpapahamak sa inyo,

at ang lahat ng inyong kaaway

ay bibihagin.

Sasalakayin din ang lahat

ng sumalakay sa inyo

at sumamsam ng mga ari-arian ninyo,

at sasamsamin din ang mga ari-arian nila.

17 Ngunit gagamutin

at pagagalingin ko ang inyong mga sugat

kahit na sinasabi ng iba na kayong mga taga-Jerusalem

ay itinakwil at pinabayaan," sabi ng Panginoon.

18 Sinabi pa ng Panginoon:

"Muli kong ibabalik ang kayamanan

ng mga lungsod ng lahi ni Jacob

at kahahabagan ko sila.

Ang lungsod at ang palasyo na winasak

ay muling itatayo

sa nararapat na lugar nito.

19 Pagkatapos, aawit sila ng pasasalamat

at sisigaw sa kagalakan.

Pararamihin at pararangalan ko sila.

20 Magiging maunlad ang kanilang mga anak

katulad noong una.

Patatatagin ko sila sa harap ko,

at paparusahan ko ang sinumang

mang-aapi sa kanila.

21 Ang mga pinuno nilaʼy

magmumula rin sa kanila.

Palalapitin ko siya sa akin,

at siya naman ay lalapit.

Sapagkat walang sinumang taong mangangahas

na lumapit sa akin

kung hindi ko siya palalapitin,"

sabi ng Panginoon.

22 "Kaya magiging mamamayan ko sila

at akoʼy magiging Diyos nila.

23 Makinig kayo!

Ang galit ng Panginoon

ay parang bagyo

o ipu-ipong hahampas

sa ulo ng masasamang tao.

24 Hindi mawawala ang matinding

poot ng Panginoon

hanggaʼt hindi niya nagagawa

ang kanyang balak gawin.

At sa mga huling araw,

mauunawaan ninyo ito."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-18_14-04-22-